Humingi ng palugit ang Commission on Elections (Comelec) sa Korte Suprema para makapagsumite ng kanilang paliwanag kung bakit nito diniskuwalipika sa 2016 presidential elections si Senator Grace Poe.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, lumiham na siya sa Supreme Court at hiniling na mabigyan sila ng limang araw na palugit para makapagsumite ng kanilang opinyon.

Ipinaliwanag ni Bautista na kinakailangan munang talakayin ng Comelec en banc kung sino ang kakatawan sa kanila sa pagdinig ng Korte Suprema matapos na una nang lumiham sa kanila ang Office of the Solicitor General (OSG) at sabihing hindi nito maaaring katawanin ang Comelec dahil magkasalungat ang kanilang paniniwala.

Sinabi ni Bautista na natanggap nila ang liham ni Solicitor General Florin Hilbay, at sinabi nito na hindi maaaring ipagtanggol ng tanggapan ang Comelec dahil tutol ito sa posisyon ng majority ng poll body na nagdidiskuwalipika kay Poe sa eleksiyon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Dahil dito, kakailanganin ng Comelec na idepensa ang sarili o humanap ng ibang kakatawan sa komisyon sa pagdinig ng kataas-taasang hukuman.

Una nang binigyan ng SC ng hanggang Enero 7 ang Comelec para magsumite ng opinyon sa pagbasura nito sa apela ni Poe sa desisyon ng First Division at Second Division ng poll body na nagkakansela sa certificate of candidacy ng senadora. (Mary Ann Santiago)