Kung papipiliin, nais ni coach Tim Cone ng koponang Barangay Ginebra na makuha bilang import si Marqus Blakely o si Denzel Bowles sa darating na PBA Commissioner’s Cup.

Nagtala ng kampeonato sa magkaibang kumperensya para sa Purefoods si Cone kasama sina Blakely at Bowles subalit isang kumplikadong proseso ang nag-aabang sa batikang coach sakaling kunin niya ang serbisyo ng isa sa kanila. Ito ay dahil ang PBA rights ni Bowles at Blakely ay nananatiling hawak ng dati nilang sinalihang koponang Purefoods.

Kaya naman sinabi ni Cone na si dating Talk ‘N Text import Othyus Jeffers ang kanyang isasabak bilang import ng Ginebra saCommissioner’s Cup at season-ending Governor’s Cup dahil kapos na siya sa oras sa pag-scout ng potensyal na import sa Amerika.

Lumaro bilang forward para sa NBA team na Washington Wizards, maagang nagpakitang-gilas si Jeffers sa Talk ‘N Text noong 2014 Governor’s Cup bago napilitang lisanin ang Tropa dahil sa problema sa kanyang kontrata sa NBA.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa kanyang kaisa-isang laro sa PBA, nagtala si Jeffers ng 38 points, 13 rebound at dalawang agaw upang pamunuan ang Tropang Texters kontra Meralco Bolts, 105-99, noong Mayo 21, 2014.

Hindi tulad nina Bowles at Blakely, malaya si Jeffers na pumirma ng kontrata sa alinmang PBA team maliban sa Talk ‘N Text sapagkat mahigit isang taon na ang nakalipas mula ng maglaro siya para sa koponang pagmamay-ari ni Manny V. Pangilinan.

Si Jeffers ay may tangkad na 6-5, malayung-malayo sa limit na 6-9 para sa Ginebra. Subalit kumpyansa si Cone sa kakayahan ni Jeffers dahilan para magdesisyon siya na gamitin ang wingman sa dalawang “import-laden conferences” ngayong season.

“We’re happy that we were able to bring in Othyus Jeffers. The plan is for him to play in both the second and third conferences since he’s only 6-5,” saad sa isang panayam ni Cone, mayroong 18 kampeonato.

Nakatakdang dumating si Jeffers sa January 17, ani Cone, habang ang Commissioner’s Cup ay magsisimula naman sa February 10. (SPIN.ph)