BONGABON, Nueva Ecija - Kahit konting pagtingin!
Ito ang madamdaming apela ni Bongabon Mayor Allan Gamilla sa mga opisyal ng Environment Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), upang tingnan ng ahensiya ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang bayan dulot ng matinding paghagupit doon ng malalakas na bagyo noong nakaraang taon.
Ayon kay Gamilla, nawasak ang dike sa Barangay Pesa hanggang sa Barangay Tugatog sa pananalasa ng bagyong ‘Kabayan’ noong unang bahagi ng Oktubre 2015, at agad siyang lumiham sa EMB para inspeksiyunin ang istruktura.
Matapos na hindi tugunan ng EMB, muling lumiham si Gamilla sa ahensiya upang aktuwal na makita ang kalagayan ng Bongabon at makapagrekomenda ng mga nararapat na hakbangin upang maipatigil ang umano’y illegal quarrying o pagmimina sa bundok na katabi ng bayan.
Paulit-ulit ang naging apela ni Gamilla, aniya, ngunit wala siyang tugon na natatanggap mula sa EMB.
(Light A. Nolasco)