ANG ika-204 na anibersaryo ng kapanganakan ni Melchora Aquino, isa sa mga tanyag na babaeng bayani sa kasaysayan ng Pilipinas, ay ginugunita tuwing Enero 6. Siya ang popular na si “Tandang Sora”, ang taguri sa kanya ng mga Pilipinong rebolusyonaryo dahil sa kabila ng kanyang katandaan—84 anyos at biyuda na nang sumiklab ang rebolusyon—buo ang loob na nakibahagi siya sa laban para sa kalayaan ng bansa.

Kalaunan ay tinawag siyang “Grand Lady of the Katipunan” dahil sa kanyang mga makabayang serbisyo sa mga Katipunero, kabilang na sa bayaning si Andres Bonifacio, sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng pagkain at matutuluyan, at paggamot sa mga nasugatan. Ang maliit niyang tindahan sa Balintawak sa Caloocan ay nagsilbing tahanan ng mga may sakit at sugatang Katipunero sa Unang Sigaw sa Balintawak, na rito sabay-sabay na pinunit ang mga sedula na senyales ng pagsisimula ng rebolusyon ng Pilipinas laban sa Espanya noong 1896. Nagpakita siya ng tibay ng pagkatao at matinding katapangan sa panahon ng rebolusyon.

Nang mabatid ang kanyang mga ginagawa, dinakip siya ng mga Espanyol noong Agosto 29, 1896; tumanggi siyang magbigay ng anumang impormasyon tungkol sa mga rebolusyonaryo nang usisain siya ng mga awtoridad. Ipinatapon siya sa Guam, Mariana Islands, noong Setyembre 2, 1896. Bago lumisan, napaulat na sinabi niya: “Kung mayroon akong siyam na buhay, buong puso ko itong isusuko para sa aking bansa.” Nagbalik siya sa Pilipinas noong Pebrero 26, 1903, noong panahon ng pananakop ng Amerika.

Isinilang noong Enero 6, 1812, sa isang hikahos na mag-asawa, kakaunti lang ang pinag-aralan ni Tandang Sora, ngunit nagpakita siya ng katalinuhan kahit na sa murang edad. Umawit siya para sa choir ng simbahan, gayundin sa mga pistang bayan. Napangasawa niya ang pinuno ng barangay na si Fulgencio Ramos at nagkaroon sila ng anim na anak.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Matapos mabiyuda, nagsikap siya upang mabigyan ng magandang edukasyon ang kanyang mga anak.

Pumanaw siya noong Marso 2, 1919, sa edad na 107, at ang kanyang labi ay unang inilibing sa Mausoleo de los Veteranos sa La Loma Cemetery, at inilipat noong 1969 sa Himlayang Pilipino. Muling inilibing ang kanyang labi sa Tandang Sora Shrine sa Banlat Road sa Quezon City, ang lugar ng kanyang ancestral home, sa ika-200 anibersaryo ng kanyang kapanganakan noong Enero 6, 2012. Idineklarang National Shrine ng National Historical Commission noong Marso 3, 2012, ang shrine-museum ay itinayo ng lokal na pamahalaan ng Quezon City upang bigyang-pugay ang kabutihan at malasakit ni Tandang Sora sa mga kapwa niya Pilipino at bilang pagkilala sa kanyang naiambag sa mga kontribusyon ng mga Pilipina.

Upang pagtibayin ang kanyang pamana, ipinangalan sa kanya ng gobyerno ang isang kalsada at isang distrito sa Quezon City. Isang kalye sa San Francisco, California, ang ipinangalan din sa kanya. Isang bulaklak ang tinawag na Hibiscus sp Tandang Sora bilang pagpupugay sa kanya. Itinampok ang kanyang mukha sa limang sentimong barya ng Pilipinas mula 1967 hanggang 1992, habang nasa P100 papel naman mula 1951 hanggang 1966.