SA kanyang mensahe sa pagtatapos ng taon sa Vatican noong Bisperas ng Bagong Taon, hinimok ni Pope Francis ang mga mamamahayag sa mundo na maglaan ng mas maraming espasyo sa mga positibo at magagandang balita upang mabalanse ang maraming istorya ng karahasan at pagkamuhi sa mundo sa kasalukuyan.

Katatapos lang ng isang taon, aniya, na punumpuno ng mga trahedya, at maraming tao ang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan at ang kanilang mga bansa upang makapagsimulang muli sa ibang lugar. Tinukoy niya ang karahasan sa Syria nang magsagawa ng pagpatay ang mga Islamist extremist sa mamamayan sa mga lugar na kinubkob nila, kaya naman daan-daang libo ang lumikas patungong Europe at United States. Humanga sa kanilang mga ginawa, nagsagawa rin ng mga teroristang pag-atake ang iba pang extremists sa Paris, France, at sa San Bernardino sa Amerika.

Marami rin namang mabubuting nangyayari sa mundo sa ngayon, ayon sa Papa, ngunit hindi mababasa ang mga ito sa mga pahina ng mga pahayagan o mapapanood sa mga news program sa telebisyon. Kaya naman umaapela siya sa media na bigyan ng mas maraming espasyo ang mga positibong balita.

Totoong ang mga balita sa mundo sa nakalipas na mga buwan at taon ay tungkol sa mga digmaan at iba pang kaguluhan, mga kalamidad, natural man o gawa ng tao, mga hindi makataong gawain laban sa mahihina sa lipunan, at mga katiwalian, kurapsiyon at pagkagahaman sa kapangyarihan.

Sa ating bansa, ang 2015 ay matatandaan bilang ang taon ng massacre sa Mamasapano, bukod pa sa mga usapin ng kawalang kakayahan at maling pagdedesisyon. Ang taong ito ay maiuugnay sa walang katapusang pagsasampa ng mga kaso at imbestigasyon na may kaugnayan sa maling paggamit ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno sa Priority Development Assistance Fund at sa Disbursement Acceleration Program.

Ngunit magugunita rin ang 2015 bilang taon ng pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas upang makiramay sa mga biktima ng super-typhoon ‘Yolanda’ at ipahayag sa mga Pilipino ang kanyang mensahe ng awa at malasakit. Maaalala rin ito bilang ang taon na napanalunan, sa wakas, ng isang Pilipina, si Pia Alonzo Wurtzbach, ang korona ng Miss Universe, makalipas ang 42 taon na huling naangkin ng bansa ang titulo.

Kung sakali man na mas pinagtuunang pansin ng mga mamamahayag sa Pilipinas ang mga negatibo kaysa mga positibong balita, ito ay dahil totoong mas marami ang mga negatibong nangyayari sa bansa at sa iba’t ibang panig ng mundo sa ngayon. Hindi maiiwasang iulat ng media ang lahat ng negatibong nangyayari sa mundo sa kasalukuyan dahil bahagi ito ng tungkulin ng pamamahayag na ipaalam sa publiko ang lahat ng kailangan nilang mabatid. Ang mga ulat na gaya nito rin ang nakatutulong upang umaksiyon ang mga kinauukulang opisyal para isakatuparan ang kanilang tungkulin.

Ngunit maaari itong tumalima sa panawagan ng Papa na kilalaning tunay na may mabubuting balita rito at sa iba pang panig ng daigdig at dapat na bigyan ang mga ito ng mas maraming oras at espasyo sa pag-uulat ngayong bagong taon.

Kaunting balanse sa pag-uulat—ito ang apela ng Papa. Kaunting pagbibigay ng importansiya sa “gestures of goodness” upang mabalanse ang mga ulat ng “arrogance of evil.”