team seven eleven photo copy

Posibleng All-Filipino line-up ang isabak ng continental team Seven Eleven Road Bike Philippines sa kanilang nakatakdang pagsali sa Le Tour de Langkawi sa Pebrero 24-Marso 2.

Ito ang inihayag ng team founder at manager na si Engineer Bong Sual matapos nilang makatanggap ng pasabi mula sa Langkawi organizers na nag-aatas na lahat ng Asian teams na kalahok ay papahintulutan lamang sumali kung ang kanilang koponan ay binubuo ng mga national rider.

Dahil dito, hindi maaaring pasalihin ng Seven Eleven sa karera ang kanilang dalawang foreign rider na sina Edgar Nieto ng Spain at Jesse Ewart ng Australia.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nais umano ng Malaysian organizers, ayon kay Sula, na bigyan ng mas malaking oportunidad ang mga Asian rider para makipagsabayan kontra sa mga World Tour at Pro Continental teams na ang mga miyembro ay pawang mga European.

Gayunman, hindi pa naman umano tiyak, ani Sual, kung ipapatupad nga ang nasabing bagong panuntunan, dahil maaaring hindi makakumpleto ang ibang team ng kanilang line-up at posibleng maakusahan pa ang organizers ng ”racism”.

Ngunit, kung talagang ipapatupad ang nasabing bagong “ruling”, walang magagawa ang Seven Eleven kundi palaruin ang kanilang mga local rider na pinangungunahan nina 2014 Le Tour De Filipinas champion Mark Galedo at Marcelo Felipe, 5-time podium finisher sa nakaraang taong Tour de Singkarak, Tour of Borneo at Jelejah.

Isasabak na lamang sina Nieto at Ewart sa Le Tour De Filipinas sa Pebrero 18-21.

Nakatakdang bumalik ang Pilipinas sa Tour de Langkawi makalipas ang 10-taong hindi nito pagsali sa prestihiyosong karera na tinaguriang Tour de France ng Asia. (MARIVIC AWITAN)