MAHIGIT P1.5 milyong piso ang gustong ipon ni Aiza Seguerra para sa in vitro fertilization (IVF) ng kanyang asawang Liza Diño.
Kuwento ni Aiza kamakalawa sa press launch ng Born To Be A Star, na isa siya sa mga hurado, sa America nila balak sumailalim sa IVF. Dalawang buwan o mahigit din silang titira doon. At gusto rin sana niyang magkaroon ng gigs habang nasa America silang mag-asawa.
Mula $11,000 to $15,000 ang halaga ng IVF, isang medical procedure na ang eggs ng isang babae ay ipi-fertilize sa sperm ng napiling donor sa ibabaw ng isang petri dish. Ilang araw pagkatapos ng fertilization, ang pinakamaganda o malusog na embryo ang ipapasok sa uterus ng surrogate mother. Puwedeng i-cryopreserve ang mga natirang embryos sa future cycles ng IVF.
Ayon kay Aiza, kung masuwerte, isang cycle lang ang IVF nila na mas makakamura sila. Kapag hindi naman tagumpay ang first cycle, maaari pa ring ulitin pero madadagdagan ang costs. Eggs ni Aiza ang gagamitin at si Liza ang magiging surrogate mother.
“My eggs are fine, unused but fine,” pabiro ni Aiza na nagpatingin na last year sa isang doctor.
Dagdag pa niya, gusto niyang “flesh and blood” talaga niya ang magiging anak niya. At lalo niyang ikinatutuwa na si Liza ang surrogate.
“Shared responsibility talaga. It’s us. It’s ours,” ani Aiza.
Tungkol naman sa donor nila, kailangan daw nilang busisiing mabuti ang pagkakakilanlan nito.
“Ang maganda rin naman sa mga cryobanks complete sila as in ipinapakita nila sa ‘yo ‘yong psychological profile nito, ano’ng natapos, ano’ng itsura and ano’ng race niya. Of course, ako I want someone who is very artistic also.
Dahil maliit ako gusto ko rin ng matangkad. Ito ‘yung mga factors na kino-consider namin,” paliwanag ni Aiza.
Kampante naman siya na walang magiging problema dahil maayos kausap ang mga taong mag-a-administer ng IVF at sila na rin ang mag-aayos ng legalities nila at protektado sila.
Sa ngayon, malaki man ang kailangan nilang pera, mas “maluwag” na ngayon ang aspetong pinansyal ni Aiza. Inamin niyang nagkaproblema sila noong nakaraang taon pero nalampasan na nila iyon. Nagpapasalamat siya na may karagdagan siyang trabaho tulad ng Born To Be A Star sa TV5 at VIVA Communications, Inc. na magsisimula sa February 6.
Kasama ni Aiza sa Born To Be A Star sina Ogie Alcasid, Yassi Pressman, Mark Bautista, Pops Fernandez, Rico Blanco and Andrew E.
Nasa cast din si Aiza ng Princess in the Palace na pinagbibidahan ni Ryzza Mae Dizon sa GMA Network.
“Happy kami na ngayon mas medyo maluwag na in terms of finances. I’m blessed with work,” saad ni Aiza.
(WALDEN SADIRI M. BELEN)