Pinagpipilian ng Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) ang posibleng pagsabak sa isasagawang $75,000 ITF ChallengeTournament na inaasahang dadayuhin ng pinakamahuhusay na manlalaro sa buong mundo simula sa Enero 15 hanggang 23 sa bagong gawang Rizal Memorial Tennis Center.

Sinabi ni PHILTA secretary general Romeo Magat na tatlong wild card slot ang magiging insentibo ng Pilipinas bilang host sa isa sa may pinakamalaking ibibigay na premyo na torneo na parte ng International Tennis Federation (ITF).

“We will have to know kung sino kina Jason Patrombon, Francis Casey Alcantara at Alberto Lim Jr., ang available at andito, because by that date, I think, there will be the Australian Open which if I’m not mistaken is set at January 19,” sabi ni Magat.

Si Patrombon, na naabot ang pinakamataas na No.9 sa juniors ranking, ang kasalukuyang No.1 ngayon sa bansa kung saan nasa ika-1,112th din ito sa Association of Tennis Professionals (ATP) ranking at pinakamataas na singles player ng bansa sa listahan ng ATP.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Katatapos lamang ni Patrombon magtala ng Round of 16 sa huling sinalihan na ITF Futures event sa Cambodia unang linggo ng Disyembre na katulad din sa resulta ng anim na iba pang sinalihan nitong torneo sa buong taon.

Itinala rin ng 22-anyos mula Iligan City ang kanyang pinakamagandang resulta ngayong taon sa Indonesia Futures noong Abril kung saan ay naabot nito ang quarterfinals. Una itong nag-uwi ng isang pilak at dalawang tanso sa Singapore Sea Games.

Inaasahang darating naman sa bansa ang Top 200 lawn tennis players para pag-agawan ang nakatayang premyo sa isang linggong torneo na gagawin sa Rizal Tennis Center.

Ang ITF Challenger ang may pinakamalaking premyo para sa isang local tennis event kung saan unang gagawin ang qualifying round sa Enero 15.

Ilan sa inaasahang sasabak sa torneo ay ang mga world class tennis player tulad nina World No. 121 Radu Albot ng Moldova, Andrea Arnaboldi ng Italy (158th), Nikolos Basilashvili ng Georgia (113th), at Kimmer Koppejans ng Belgium (130th).