CAMP G. NAKAR, Lucena City – Tatlong batang babae at dalawang dalaga ang napaulat na ginahasa sa magkakahiwalay na bayan sa Quezon, iniulat kahapon ng Quezon Police Provincial Office.
Ayon kay Senior Supt. Ronaldo Genaro E. Ylagan, Quezon Police Provincial Office director, dumulog sa kanilang himpilan ang dalawang ginang upang ireklamo ang panghahalay umano ng isang Da Boy, taga-Real, sa mga anak nilang babae, na ang dalawa ay kapwa limang taong gulang at ang isa ay pitong taong gulang.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente dakong 3:00 ng hapon noong Disyembre 14, 2015 ngunit nitong Lunes lamang ini-report sa pulisya.
Batay sa report, naglalaro ang mga biktima malapit sa sea wall sa harap ng kanilang eskuwelahan nang lapitan sila ng suspek at kinumbinse silang sumama sa bahay nito kapalit ng tigli-limang piso at mga tsitsirya, at pumayag ang tatlo.
Sinabi ng pulisya na pagpasok ng mga bata sa loob ng bahay ng suspek ay agad itong ikinandado ng huli at sa pamamagitan ng pananakot at pamumuwersa ay hinalay nito ang tatlong biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya na naghahanda na ring magsampa ng kasong paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law) na may kaugnayan sa RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).
Samantala, sa Tiaong, isang 20-anyos na babae ang hinalay ng 68-anyos niyang tiyuhin nang maiwang nag-iisa ang biktima sa bahay ng suspek nitong Disyembre 25.
Sa Sariaya naman, isang 16-anyos na babae ang nagreklamo ng panghahalay laban sa isang 30-anyos na lalaki, na ilang beses umanong humalay sa kanyang simula noong Nobyembre 17, 2015. (Danny J. Estacio)