SA pagpuri sa ating mga overseas Filipino worker (OFW) sa mahalaga nilang papel sa pagsulong ng ekonomiya ng ating bansa sa pamamagitan ng kanilang remittances, nakalilimutan natin ang malungkot na kuwento ng mga OFW—ang pagtatrabaho sa isang dayuhang bansa, malayo sa pamilya at mga kaibigan, ay nagdudulot ng matitinding problema at pagdurusa sa mga Pilipino sa ibang bansa.
May mga kuwento rin ng mga pamilyang naghihiwa-hiwalay dahil sa pagkawalay ng mag-asawa sa isa’t isa. May mga kaso rin ng mga Pilipina na nagiging biktima ng “human trafficking”, isang termino sa modernong pang-aalipin. Narinig natin kamakailan ang kaso ni Mary Jane Veloso, na biktima ng isang drug-smuggling syndicate, na pansamantalang naisalba sa pagbitay sa Indonesia matapos pakinggan ang mga apela ng ating gobyerno at ng iba pang institusyon.
Nitong Disyembre 29, malungkot naman ang kinahinatnan ng kaso ni Joselito Zapanta na hinatulan sa pagpatay sa amo niyang Sudanese at sinentensiyahang mamatay sa Saudi Arabia. Nailigtas sana siya sa pagkakabitay kung nagawang makalap ng kanyang pamilya ang P50-milyon “blood money” para sa pamilya ng biktima. Nakalikom lang ang gobyerno ng Pilipinas ng P23 milyon, kaya tuluyang nabitay si Zapanta.
Sa tinatayang 2.3 milyong Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa kasalukuyan, iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Abril na may kabuuang 807 ang nakapiit dahil sa iba’t ibang kaso; sa bilang na ito, 41 ang nasa death row. Ang Department of Labor and Employment (DoLE) ang nangangalaga sa kapakanan ng mga OFW, ngunit kapag may nalabag na batas sa bansang pinagtatrabahuhan, ang DFA na, sa pamamagitan ng mga embahada nito, ang nakikipag-ugnayan sa mga pambansa at lokal na awtoridad ng bansang sangkot tungkol sa depensang legal ng OFW.
Ipinanukala naman ng Blas Ople Policy Center, sa pangunguna ng OFW advocate na si Susan Ople, ang pagtatatag ng isang espesyal na sangay ng gobyerno na mangangasiwa sa mga kaso ng pagbitay at paglikom ng blood money para sa mga OFW, dahil santambak na ang mga tungkuling nakaatang sa DFA at DoLE, bukod pa sa pag-aasikaso sa mga kaso ng mga OFW. Dahil sa napakaraming kaso na kinasasangkutan ng mga OFW, isang magandang ideya kung magkakaroon ng hiwalay na tanggapan para mangasiwa sa partikular na usaping ito.
Sa hinaharap, magkakaroon tayo ng mas marami pang mga Pilipino na nangingibang-bansa para sa simpleng dahilan na kapos sa trabaho sa ating bansa para sa lumalaki nating populasyon. Habang tinututukan natin ang mga problema ng mga OFW na nasa death row, dapat nating simulan ang mga pagsisikap at pagpopondo sa mga pangmatagalang programa na lilikha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino sa sarili nating bayan.
Marami na tayong oportunidad sa trabaho sa lumalawak na mga industriya ng Business Process Outsourcing at turismo.
Pinag-uusapan na rin ang pagtatayo ng mas maraming industrial site na may mga pabrikang magkakaloob ng trabaho sa libu-libong manggagawa. Kailangan natin ng mas marami pang trabaho para sa ating lumalaking populasyon at sinasabing ang sektor ng agrikultura ang pinakamalaki ang potensiyal na magkaloob ng pagkakakitaan.
Ngunit ang lahat ng ito ay nangangailangan ng atensiyon at pag-aaral. Maaaring huli na ito para sa matatapos na administrasyon, ngunit ang susunod, na ihahalal natin sa Mayo ay dapat na—sa simula pa man—ay tutukan ang pagkakaroon ng programa sa trabaho para sa bansa.