Kailan kaya tayo matututo?

Matapos ang selebrasyon sa Bagong Taon, sari-saring video na nagpapakita sa ilang indibidwal habang ilegal na nagpapaputok ng baril, ang naging viral sa social media.

Sa ipinaskil sa Facebook noong Enero 2, isang lalaki na nakasuot ng cap ang nakita sa video habang tinuturuan ang isang babae na nagpapaputok ng baril.

Ipinutok ng dalawa ang baril ng tatlong beses na ‘tila isang tutorial session.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Umabot na sa 860,000 view, na mayroong 42,922 share at 4,904 reaction ang naturang video hanggang nitong Linggo ng hapon.

Isa pang video na ipinaskil ng isang “Edgardo Quinit” sa Facebook ang nagpakita sa isang lalaki na nakasuot din ng cap at nagpaputok ng kanyang baril ng anim na beses.

Ito naman ay nakakuha ng 16,000 views, 644 shares at 201 likes. Ilang netizen din ang naghayag ng pagkadismaya sa ilegal na pagpapaputok ng lalaki.

Komento ng Facebook user na si Sweetkim Rafael: “Tao talaga. Sabi ng bawal gamitin ‘yan baka mayroong tao na matamaan na naman. Kahit sa itaas ‘yan iputok, sa baba pa rin bagsak niyan. Tao ang sapol dyan.”

“How can we live in peace and order when we are surrounded by these kind of nuts? .... terrifying!!” komento naman ni Leon Bee.

Subalit nagkomento ang isang Alvit Andit Munez: “Sa Guam naman ‘yan. Hindi sa ‘Pinas. Pahuli n’yo pumunta kayo ng Guam! Sama n’yo mga NBI.”

Isa pang video na kumalat sa Facebook na ipinaskil noong Enero 1, dakong 2:30 ng hapon, ang nagpapakita sa isang dalagita habang bitbit ang isang Armalite rifle.

Tinuturuan ng lalaking kumukuha ng video ang teenager kung paano itututok ang baril sa himpapawid bago kinalabit dalawang beses na kinalabit ang gatilyo.

Ang ikatlong video ay mayroong 109,303 views, 4,933 shares, at 845 reactions. (Martin A. Sadongdong)