Umaasa pa rin si Sen. Antonio Trillanes IV kay Pangulong Aquino na maisasama ang mga retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang uniformed services sa panukalang Salary Standardization Law 4 na isinusulong na maisabatas sa mga natitirang buwan ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Trillanes, pangunahing may-akda ng Senate Bill No. 2671 o ang panukalang SSL4, mula sa kanyang orihinal na panukala sa Senado, ang pensiyon ng mga retiradong miyembro ng pulisya at militar ay tataas din kasabay ng pagtaas ng sahod ng ibang kawani ng gobyerno, alinsunod sa Presidential Decree 1638 at Republic Act No. 8551.

Subalit sa bersiyon na itinutulak ng Malacañang, ang probisyong ito, na tinatawag na indexation ng military pension, ay tinanggal dahil sa sinasabing matinding kakapusan sa budget, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Hindi ito naaprubahan dahil magkaiba ang bersiyon ng dalawang kapulungan matapos na ibasura ng Kongreso ang inaprubahan ng Senado na kabilang sa pagtataas ng pensiyon ang mga retiradong AFP at PNP personnel.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inaasahan ni Trillanes na tututulan ng Malacañang ang pagsama ng indexation provision sa SSL4, na maaaring mag-aantala sa agarang pagpapatupad ng panukala at makaaapekto sa mga kawani ng gobyerno, kaya umaapela si Trillanes sa Pangulo.

“Naniniwala tayo na karapat-dapat lamang na isama ang mga retiradong miyembro ang AFP, PNP at ibang uniformed services sa batas na ito. Ibinuwis nila ang kanilang buhay para lamang maging ligtas ang ating bansa at matamasa natin ang demokrasya na nararanasan natin ngayon,” ani Trillanes.

Sa P3.002-trilyon national budget para sa 2016, P57.9 bilyon ang inilaan sa sa pagpapatupad ng unang bahagi ng SSL4.

Karagdagang P9 bilyon ang kakailanganin para sa indexation ng mga retiradong sundalo at pulis sa unang taon ng pagpapatupad ng batas. (LEONEL ABASOLA)