Tututukan ng Philippine National Police (PNP) ang eleksiyon sa Mayo 9, kaya naatasan ang mga police commander na paigtingin ang kampanya laban sa mga hindi lisensyadong baril at mga private armed group (PAG) na karaniwang ginagamit ng mga pulitiko sa pananakot sa mga botante.

Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na hinihintay ng pulisya ang mga bagong panuntunan na ibabahagi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez sa command conference na posibleng isagawa bago ang pagsisimula ng election period sa Linggo, Enero 10.

“But we are now shifting to election mode after a successful security for the Yuletide season,” pahayag ni Mayor.

Gayunman, sinabi ni Mayor na nagpapatuloy ang kampanyang pang-seguridad sa eleksiyon, partikular sa pagtugis sa mga loose firearm at PAG sa buong bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang dito ang One-Time, Big-Time operation ng PNP na ipinatutupad noong nakaraang taon at napatunayang epektibo sa pagbuwag sa mga sindikatong kriminal.

Nakatutok ang One-Time, Big-Time campaign sa mga indibidwal na may arrest warrant.

“A number of arrests have already been made using this strategy, most of them are wanted persons or leaders or members of criminal syndicates,” ani Mayor.

Sa halalan ngayong taon, tiniyak ni Mayor na mahigpit nilang sinusubaybayan ang mga lugar na kabilang sa list of election hot spot na inihanda ng PNP sa mga nakaraang eleksiyon. (AARON RECUENCO)