LIMANG taon pa at hindi na matitirahan ang Metro Manila, ayon sa isang eksperto. Hindi na raw makagagalaw dito ang mamamayan. Lulobo na ang populasyon ng bansa na sa ngayon ay mahigit 100 milyon na. Karamihan sa mga ito ay nasa Metro Manila. Hindi na gagalaw ang trapiko sa dami ng madadagdag pang sasakyan. Kailangan, aniya, ay mga karagdagang pang kalye at imprastruktura, tulad ng skyway.

Inaabot natin ang ganitong kalagayan dahil sa mga taong nagpapatakbo sa ating gobyerno. Wala sa kanila ang kapakanan ng bansa kundi ang kanilang pansariling interes. Kasi, mayroon nang mga plano na dapat ay sinusunod nila at ipinaiiral pero hindi nila ito ginagawa dahil ang kumita ang nasa kanilang ulo.

Ang posisyon sa gobyerno ay pinaghahalinhinan ng mga taong inihahalal ng bayan. Dahil ang layunin ng ating pulitika ay bigyan ng pagkakataon ang bawat isa na manungkulan sa pamahalaan, limitado ang kanyang ilalagi rito. Mayroon siyang termino. Mayroon siyang proyektong natatapos sa panahon na siya ay nasa serbisyo. Pero, mayroon naman siyang inumpisahang proyekto na hindi niya natapos dahil inabutan na ng pagtatapos ng kanyang termino.

Ang problema, itong proyekto na hindi niya natapos na naaayon sa planong matagal nang iginuhit sa ikabubuti ng bayan ay depende na sa pumalit sa kanya kung matutuloy. Kasi, ang pumalit na ito ay gagawa ng paraan kung paano niya pagkakakitaan itong nabitin na proyekto. Kung hindi siya kikita sa kasalukuyang kontraktor nito, kukuha ng bagong kontraktor. Malamang sa mabitin o hindi na matuloy ang proyekto dahil demandahan ang magiging bunga nito.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tingnan ninyo ang nangyari sa proyektong magdadagdag ng panibagong riles. Malaking tulong sana ito sa ikaluluwag ng trapiko at sa ikagiginhawa ng mamamayan na sa araw-araw ay gumagamit ng pampublikong sasakyan. Nakabitin ngayon ito dahil sa kasong isinampa ng SM. Sa lugar niya kasi mismo sa EDSA magtatagpo sana ang mga riles. Ang ginawa ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ay inilipat ang sagpungan sa harap ng Trinoma na hindi minaganda ng SM. Bakit nga ba hindi, eh, kung saan kasi magtatagpo ang mga riles ay dito maiipon ang mga pasahero na makabubuti sa negosyo.

Kaya ang mga pulitikong pinagkakatiwalaan ng taumbayan ng kanilang kapangyarihang mamuno sa kanilang gobyerno ay sila mismo ang problema. Sila ang sumisira sa bayan. (RIC VALMONTE)