GENERAL SANTOS CITY – Posibleng masibak sa trabaho ang isang pulis na naaresto nitong Disyembre 31 sa pagbebenta ng shabu sa Koronadal City, South Cotabato.
Sinabi ni Senior Supt. Jose Briones, South Cotabato Police Provincial Office director, na irerekomenda niya ang pagsibak sa tungkulin kay PO2 Ruben Morales, 39, na nakatalaga sa South Cotabato Police Provincial Office.
Huli sa akto si Morales habang nagbebenta ng shabu sa isang pulis na poseur-buyer sa anti-drug operation na ikinasa ng mga anti-narcotics operative mula sa Koronadal City Police, sa pangunguna ni Supt. Barney Condes.
Nakumpiska mula kay Morales, at sa kasama niyang si Jonna Fregua, 19, ang ilang gramo ng shabu, drug paraphernalia, dalawang granada, at isang .9mm caliber pistol.
Sinabi ni Briones na bukod sa kahaharaping mga kasong kriminal, sasampahan din ng administratibong kaso si Morales na maaari nitong ikasibak sa serbisyo.
Ayon kay Briones, isinailalim nila si Morales sa surveillance matapos na lumutang ang pangalan nito sa mga nagbebenta ng ilegal na droga sa tactical interrogation na isinagawa sa mga naarestong drug pusher sa Koronadal City.
(Joseph Jubelag)