DAHIL sa tumitinding pag-iiringan at paghahasik ng mga karahasan ng iba’t ibang rebel groups, lalong tumindi ang pagpapaigting ng mga peace talk sa panig ng gobyerno at ng naturang mga rebelde. Ang mga usapang pangkapayapaan ay marapat na isagawa at tuldukan bago matapos ang panunungkulan ni Presidente Aquino.

Ang nauntol na peace talk ng pamahalaan at ng National Democratic Front (NDF) ay matagal na dapat natapos. Isipin na ito, sa aking pagkakatanda, ay nagsimula noon pang panahon ng yumaong Pangulong Cory Aquino – ang itinuturing na icon of democracy. Masigasig siya noon, tulad ng pagiging masigasig ni Senador Benigno Aquino, Jr. na magkakaroon ng mabungang resulta ang NDF at government panel negotiations. Masidhi ang hangarin ni Jose Ma. Sison, ang chairman ng NDF, na maging kaagapay sila ng pamahalaan sa paglikha ng isang mapayapang komunidad.

Ang ganitong peace talk ang dapat paigtingin lalo na ngayong walang patumangga sa paghahasik ng karahasan ang New People’s Army (NPA), ang armed component ng NDF. Kamakailan lamang, iniulat na pinasabog nila ang isang tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Mindanao na naging dahilan ng malawakang brownout sa naturang lugar. Bukod pa rito ang panununog sa mga heavy equipment ng malalaking construction firms. May ulat din na manaka-naka silang kumikidnap ng mga sibilyan at mga alagad ng batas. Bukod pa rito ang pananambang sa mga sundalo, lalo na sa mga naghahatid ng relief goods sa mga sinalanta ng kalamidad.

Marapat ding paigtingin ang kasalukuyang peace talks sa pagitan ng mga rebeldeng Muslim at ng gobyerno. Totoo na nauna nang nilagdaan ng administrasyong Aquino at ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang Bangsamoro Comprehensive Agreement (BCA). Subalit ito ay pinatutulog pa sa Kongreso dahil sa mga probisyon na sinasabing salungat sa Konstitusyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bukod dito, ang mga rebeldeng mula sa Moro National Liberation Front (MNLF) ay umalma sa matuwid na sila man ay marapat ding sinangguni sa pagpapatibay ng BCA. Bunga ng gayong magkasalungat na impresyon, lalo namang umigting ang labanan ng MILF at MNLF, tulad nang iniulat kamakalawa.

Sa ganitong mga labanan at hindi pagkakaunawaan, lalo lamang nararapat ang pagpapaigting ng peace talk sa lahat ng grupo ng mga rebelde sa bansa. (CELO LAGMAY)