NASA 50 kabataang Pilipino ang bumalik nitong Linggo mula sa isang malayong isla ng Pilipinas sa South China Sea (West Philippine Sea), na roon sila nagdaos ng isang-linggong kilos-protesta laban sa pag-angkin ng China sa pinag-aagawang karagatan.
Dumating ang grupo sa isla ng Pag-asa sa Kalayaan, Palawan nitong Disyembre 26 bilang bahagi ng mga pagkilos upang kontrahin ang iginigiit ng China na pag-aari nito ang halos buong karagatan at mga isla rito, kabilang ang Pag-asa.
Nagbalik na sa Palawan ang 47 kabataan. Ito ang kinumpirma ng coordinator ng grupo na si Joy Ban-eg.
Ang isla ng Pag-asa ay bahagi ng Spratlys sa South China Sea. Inaangkin ng China ang malaking bahagi ng karagatan ngunit may kani-kanila ring claims sa karagatan ang Pilipinas, Brunei, Malaysia, Vietnam, at Taiwan.
Ang pagwawakas ng protesta ng 47 kabataang Pinoy ay sumabay sa panibagong alitan ng China at Vietnam sa islang kapwa nila inaangkin sa South China Sea, matapos na akusahan ng Hanoi ang Beijing ng paglapag ng eroplano nito sa pinag-aagawang teritoryo.
Iginiit ng China na nangyari ang operasyon sa lugar na bahagi ng teritoryo nito.
Inihayag naman ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas na maghahain din ito ng protesta kaugnay ng insidente.
Ang grupo ng kabataan, na itinatag ng isang dating navy officer at tinatawag na Kalayaan Atin Ito, ay una nang pinuri ng gobyerno ng Pilipinas dahil sa pagiging makabayan, ngunit hinimok silang huwag nang ituloy ang hakbangin.
Inakusahan naman ng grupo ang gobyerno ng Pilipinas ng kawalang aksiyon upang manindigan laban sa China.
Nakapaskil sa Facebook page ng grupo ang mga litrato nila habang nagka-camping sa isla, at napaliligiran ng mga karatula na nagpapakita ng pagkamakabayan.
Binatikos naman ito ng Chinese foreign ministry at sinabing ito ay “strongly dissatisfied with the actions and words of the Philippine side.”
Bagamat isa sa may pinakamahihinang sandatahan sa rehiyon, hayagang kinukuwestiyon ng Pilipinas ang mga pag-angkin ng China sa mga teritoryo sa South China Sea.
Naghain na rin ang gobyerno ng Pilipinas ng international arbitration case sa The Hague para hamunin ang territorial claims ng China, ngunit tumatanggi ang huli na kilalanin ang mga pagdinig sa kaso. (Agencé France Presse)