Isang mag-asawang British corporate lawyer sa Singapore ang nakatakdang magpakalbo sa Enero 13, 2016 upang makalikom ng pondo para sa may cancer na anak ng kanilang Pinay maid.

Si Mariza Canete ay anim na taon nang nagtatrabaho para sa pamilya ni Isabelle Claisse. Nang malaman na nasuring mayroong bone cancer ang bunsong anak ni Canete na si Dave Caba, ay naisip ni Claisse na lumikom ng pondo at mag-abot ng tulong dahil kailangang alisin ang tumor sa 10-anyos na batang lalaki.

Ayon sa ulat ng The Strait Times, sinimulan ng 38-anyos na abogado ang crowdfunding campaign sa Indiegogo’s charity platform para sa operasyon ng bata.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“It is a good way to raise awareness about cancer, even though it would be challenging to be bald at my workplace in a corporate environment. Mariza is very important to us,” paliwanag ni Claisse. Ang kanyang asawang si Robert Driver, ay tumulong din sa hospitalization, na umabot na sa kabuuang $100,000.

Magiging punong abala ang mag-asawa sa fund-raiser event sa Enero 13, 2016 na gaganapin sa Harry’s Bar sa Boat Quay.

Isusubasta ni Claisse, Canete, at ng kaibigan ng pamilya na si Adam Reynolds, ang pagkakataong kalbuhin sila ng isa sa mga bisita sa event. Itinakda ang minimum contribution para sa mga dadalo, at bukas ito para sa lahat.

Nakatakda ang operasyon para tanggalin ang tumor sa left shin bone ng bata sa Enero 26 sa Cebu, at 80-porsyento ang tsansang magtagumpay ito. Kapag hindi ito maisagawa ay maaari ring mamamatay si Dave.

Sinabi ni Claisse na handa silang sagutin ang nalalabing halaga kapag hindi naabot ng kanilang fundraising efforts ang kinakailangang halaga para sa gamutan.

“I can’t imagine the alternative of saying: No, ‘I’m not going to give you money, you kid’s going to die’,” sabi ng shipping industry lawyer.

Samantala, sa kasalukuyan si Canete ay nananatili sa tabi ng kanyang anak sa Cebu. Kaugnay sa mga pagsisikap ng kanyang employer para sa paggaling ng kanyang anak, ang tanging masasabi niya ay: “Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa anak ko kung wala sila. Hindi ako itinatratong katulong ni Isabelle, tinatrato niya ako na parang isang kapatid. Wala na akong mahihiling pa.” (Ces Dimalanta)