Makakasama na rin ang Laoag City, Ilocos Norte at ang Isabela Province ngayong taon sa lumalagong pamilya ng Laro’t-Saya sa Parke, PLAY ‘N LEARN ng Philippine Sports Commission.
Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na nakatakdang pasimulan ngayong Enero ang ini-indorso mismo ng palasyo ng Malakanyang na PSC Laro’t-Saya sa Parke para sa magandang kalusugan at pisikal na aktibidad ng mga pamilya sa dinarayong lugar ng Laoag City at papaunlad na probinsiya ng Isabela.
“We’re just finalizing how many sports discipline they will implement,” ani Domingo Jr., na siya ring project manager ng grassroots sports development project na brainchild ni PSC Chairman Richie Garcia habang ang project director ay si Atty. Guillermo Iroy Jr.
Makakapareha ng PSC ang local government unit ng Laoag City sa nakatakdang simpleng pagbubukas ng programa sa mapagkakasunduan ng dalawang ahensiya na petsa gayundin sa probinsiya ng Isabela.
“Mayroon lang silang mga request na sana ay makadalo sina Chairman at mga commissioners,” sabi ni Domingo Jr. “Pag-uusapan pa din namin kung anong petsa nila gusto pasimulan,” sabi pa nito.
Ang Laoag City ang magiging ika-15 miyembro sa pamilya ng PSC Laro’t-Saya sa Parke habang ika-16 naman ang Isabela Province sa tatlong taong proyekto na unang itinuro ng libre sa mga miyembro ng pamilya at kabataan ang zumba-aerobics, arnis, badminton, chess, football, karatedo, taekwondo at volleyball
Una nang isinagawa ang proyekto sa Burnham Green sa Luneta Park bago sinundan sa Quezon Circle sa Quezon City at sa Liwasang Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Nagsisunod na din ang Bacolod Plaza sa Bacolod City, City Hall sa Iloilo City at ang City Hall sa Paranaque City.
Sumunod na din ang People’s Park sa Davao City, Plaza Sugbu sa Cebu City, Pastrana Park sa Aklan Province, E-Park sa Tagum City, Burnham Park sa Baguio City, Plaza Burgos sa Vigan City, Plaza San Carlos sa San Carlos City, Negros Occidental at ang Pinaglabanan Park sa San Juan City. (AMGIE OREDO)