LOS ANGELES (AFP) – Muling magsasama-sama ang Guns N’ Roses, na isa sa top-selling bands sa kasaysayan sa kabila ng maikli nilang career bilang grupo, para sa Coachella Festival ngayong taon, iniulat ng music magazine na Billboard.
Masasaksihan sa concert, sa unang pagkakataon, ang sama-samang pagtatanghal ng original lineup ng lagi nang watak-watak na banda ng singer na si Axl Rose at ng gitaristang si Slash simula nang magwakas ang Use Your Illusion tour ng grupo noong Hulyo 1993 sa Buenos Aires.
Hindi na-disband ang Guns N’ Roses, at naging resident performer pa ito sa Las Vegas noong nakaraang taon sa pangunguna ni Axl, bagamat sinadya ni Slash na iwan na ang banda dahil hindi umano nito makasundo ang frontman.
Tinukoy ang mga hindi pinangalanang sources, sinabi ng Billboard na nagdesisyon ang Guns N’ Roses na mag-reunion dahil kikita ang grupo ng $3 million sa kada pagtatanghal.
Ang appearance ng banda sa Coachella, sa disyertong bayan ng Indio sa katimugang California, ay magtatampok sa dalawang show sa magkasunod na weekends simula sa Abril 15.
Sinabi pa ng Billboard na nakikipagnegosasyon din ang Guns N’ Roses upang magtanghal ng hanggang 25 stadium show sa iba’t ibang panig ng North America, kabilang ang sa Las Vegas Arena na magbubukas sa susunod na taon.
Hindi naman nagkomento sa artikulo ng Billboard ang mga kinatawan ng Coachella at ng Guns N’ Roses.
Ang Guns N’ Roses, na nagtatampok sa matinis na boses ni Axl na nakikipagsabayan sa intricate metal guitar ni Slash, ay naging instant sensation simula nang i-release ang unang album ng banda noong 1987, ang Appetite for Destruction.
Ang Appetite for Destruction — na rito nakapaloob ang mga sikat na awiting Welcome to the Jungle, Sweet Child O’ Mine, at Paradise City — ay ang pinakamabentang debut album ng isang banda sa kasaysayan ng United States, at nakabenta roon ng 18 milyong kopya.
Inihayag ng banda na nakabenta ito ng mahigit 100 milyong album sa mundo. Ngunit iisang album pa lang ang nai-release ng banda sa nakalipas na dalawang dekada—ang Chinese Democracy, na inilabas noong 2008 matapos ang ilang beses na pagpapaliban, at siyempre pa, hindi kasama si Slash.