KASABAY ng pagtatapos ng 2015, nagretiro na rin ang bad boy rockers na Motley Crue—ngunit plano nilang magbalik ngayong bagong taon sa pelikulang bersiyon ng kanilang final blowout.

Inihayag ng glam metal band, na nakilala sa hayagan nitong selebrasyon ng hedonism, na nagwakas na ang kanilang halos 35-taong career sa concert na Crue Years Eve nitong gabi ng Disyembre 31, sa Staples Center sa Los Angeles.

Bago ang concert, inihayag ng Motley Crue na ang huling concert ng grupo ay gagawing pelikula “to celebrate their mark in rock music’s history and in honor of their devoted fans.”

Ang pelikula, na ipalalabas sa mga sinehan at sa home formats ngayong taon, ay magtatampok din sa isang documentary segment na idinirehe ni Jeff Tremaine, ang creator ng slapstick reality television series na Jackass.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Nagtanghal din ang Motley Crue sa Staples Center noong Lunes at Miyerkules, sa pagtatapos ng isa’t kalahating taon ng mga pagtatanghal ng banda sa limang kontinente bilang bahagi ng kanilang final tour.

At kung inaakala ng fans na promotional trick lang ang kanilang pamamaalam, pinirmahan ng Motley Crue ang isang “cessation of touring agreement” na nagbabawal sa banda na magtanghal muli makalipas ang 2015.

Sumikat ang Motley Crue noong unang bahagi ng 1980s sa Hollywood at naging alamat ang mga miyembro nito dahil sa kanilang maluhong pamumuhay at anthem-like hard rock sa mga album nilang gaya ng Shout at the Devil, Girls, Girls, Girls, at Dr. Feelgood.

Taliwas sa masculinity sa karamihan sa lyrics ng kanilang mga awitin, nakilala ang Motley Crue sa kanilang androgynous appearances, sa pagsusuot nila ng spandex, naka-tease ang buhok, at kumpleto sa make-up.

Naging popular ang mga pagtatanghal ng Motley Crue sa entablado dahil sa kanilang showmanship, partikular na sa isang “drum coaster” nang tumugtog ng drums si Tommy Lee habang nasa elevated track sa venue.

Napaulat na nakabenta ng mahigit 80 milyong album sa mundo, kasama ng banda sa huling bahagi ng final tour nito ang glam metal pioneer na si Alice Cooper. (AFP)