PBA

Hindi pa man natatapos ang kanilang kampanya sa 2016 PBA Philippine Cup kung saan kasisimula pa lamang ng kanilang best-of-7 semifinals series kontra Globalport kahapon habang isinasara ang pahinang ito, naghahanda na rin ang Alaska para sa kanilang magiging kampanya sa susunod na Commissioner’s Cup.

At dahil nais nila ng isang import na pamilyar na sa klase ng laro ng mga Pinoy, nakatakdang ibalik ng Aces bilang kanilang reinforcement sa second conference ang dating Best Import na si Robert Dozier.

Mismong si Alaska coach Alex Compton ang nagkumpirma ng muli nilang pagkuha ng serbisyo ng 6-foot-8 na si Dozier na manggagaling sa paglalaro sa Le Mans Sarthe Bakset sa France.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Bukod sa pagiging pamilyar na nito sa istilo ng laro ng mga Pinoy, isa rin sa konsiderasyon ng Alaska kung bakit muli nilang kinuha si Dozier ay ang magandang pag-uugali nito sa loob at labas ng court na naging dahilan upang magustuhan ito ng kanyang mga lokal na mga kakampi.

Si Dozier ang siyang nanguna noon sa Aces kontra Barangay Ginebra, 3-0 upang maangkin ang titulo ng 2013 PBA Commissioner’s Cup.

Ang import na nagtala ng average na 20.1 puntos, 17.5 rebounds, 2.9 blocks at 2.5 assists noong 2013 ay inaasahang dumating sa bansa sa susunod na lingo.

Huling naglaro sa bansa si Dozier noong 2014, ngunit nabigo itong maihatid ang Aces sa finals makaraang mabigo sa Star na noo’y dala pa ang pangalang San Mig Coffee sa quarterfinals. (MARIVIC AWITAN)