Mga laro sa Sabado
San Juan Arena
9 a.m. UE vs. UST
11 a.m. Ateneo vs. NU
1 p.m. Adamson vs. UP
3 p.m. FEU vs. DLSU
Matapos walisin ang lahat ng kanilang naunang pitong laro sa first round, nakatakdang simulan ng 4-time champion National University ang kanilang kampanya sa second round ng UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa kanilang pagsagupa kontra defending champion Ateneo de Manila sa pagbubukas ng ikalawang round ng torneo sa Sabado sa San Juan Arena.
Tatangkain ng Bullpups ni coach Jeff Napa na makamit ang ikawalong sunod na panalo para mapanatiling walang bahid ang kanilang imahe sa pagtutuos nila ng Blue Eaglets sa ikalawang laro ng nakatakdang quadruple header ganap na ika-11 ng umaga.
Tatangkain ng Bullpups na maulit ang naiposteng unang panalo sa Blue Eaglets noong first round (73-60) sa pangunguna nina Justine Baltazar at John Lloyd Clemente na kapwa nagtala ng tig-18 puntos sa nasabing panalo.
Sa kabilang dako, magsisikap naman ang Ateneo sa pangunguna ng nakaraang taong Finals MVP na si Jolo Mendoza na makabawi sa nasabing pagkabigo upang mamantsahan ang record ng NU at maipuwersa ang Final Four round.
Mauuna rito, magtutuos sa unang laro ganap na ika-9 ng umaga ang University of Santo Tomas at ang University of the East.
Tumapos na may dalawa lamang panalo sa unang pitong laro, tatangkain ng Tiger Cubs na makahabol sa sinusundang Far Eastern University-Diliman at Adamson na kapwa may barahang 4-3, at magkasalo sa ikatlong posisyon kasunod ng magkasalo din sa ikalawanag puwestong Ateneo at La Salle-Zobel na kapwa may kartadang 5-2, panalo-talo para sa tsansang makasingit pa sa Final Four.
Sa panig naman ng Junior Warriors, magkukumahog ang mga itong maitala ang unang tagumpay ngayong season pagkaraang mabigong makapagposte ng kahit isang panalo noong unang round.
Sa ikatlong laban, sisikapin ng Adamson na panatilihing buhay ang tsansang umabot ng semifinals sa paghahangad ng ikalimang tagumpay kontra University of the Philippines Integrated School na mayroon lamang isang panalo sa pitong laro noong first round sa pagtutuos nilang muli ganap na ala-1 ng hapon.
Sisikapin naman ng Junior Archers na patatagin ang pagkakaluklok sa ikalawang posisyon sa pagsagupa nila sa Baby Tamaraws na gaya ng Baby Falcons ay pipiliting hindi bumitaw sa pangatlong puwesto sa standings. (Marivic Awitan)