Mahigit apat at kalahating minuto ang nalalabi sa unang dalawang kanto ng labanan sa pagitan ng bumibisitang Chicago Bulls sa Toronto Raptors nitong nakaraang Linggo, isang siko ang natanggap ni Bulls shooting guard Jimmy Butler mula sa rumaragasang layup ni Raptors forward Demarre Carroll, abante ang Toronto ng sampu.

Duguan ang labi, napilitang bumalik sa locker room ang All Star player para matahi. Subalit sa kanyang pagbabalik matapos magtala ng dalawang puntos sa unang dalawang quarters, nagpasabog ng kabuuang 40 puntos si Butler sa nalalabing hati ng laban upang pangunahan ang Bulls sa pagsuwag sa Raptors 115-113, at magtala ng bagong franchise record para sa pinakamaraming nagawang puntos sa isang halftime – isang puntos na angat mula nang maitala ito ni Michael Jordan para sa Chicago noong 1989.

Nagbuslo si Butler ng 14 sa kanyang 19 na tira habang 10 sa 11 freethrows ang kanyang naipasok matapos ang halftime intermission number. Gamit ang ‘di mapigilang pagsalaksak sa basket at mga pamatay na jumpers, nagawang masira ng Bulls ang depensa ng Raptors na nagresulta sa isang makapanindig-balahibong comeback win.

Naglaro ng wala ang injured stars na sina Derrick Rose at Joakim Noah, baon ang Bulls ng 12 sa pagtatapos ng ikalawang yugto ng laban. Subalit pumutok si Butler para sa 21 puntos sa ikatlong quarter upang tulungan ang kanyang koponan na ibaba sa anim ang kalamangan ng kalaban.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi naman basta bumigay ang Raptors at muling ibinalik sa isang dosena ang kanilang agwat mula sa three-pointer ni Luis Scola, may anim na minuto pa ang nalalabi sa huling quarter.

Iyon ang hudyat para sa 26 anyos na gwardya upang pangunahan ang 18 sa huling 24 na puntos ng Bulls, kabilang ang pambawing three-pointer sa harap mismo ni Carroll. “He can’t guard me!” sabi ni Butler matapos ang tira na nagpatikim sa Chicago ng 112-111 kalamangan, may 30 segundo pa sa oras.

Nagtala si Demar DeRozan ng 24 puntos para sa Toronto habang nagambag naman si Kyle Lowry ng 22 puntos sa game-high 39 minutong paglaro subalit mintis ang kanyang layup na mag-aangat sana sa koponan. Agad na sinunggaban ni Pau Gasol ang bola at tumapos ng isang free throw para sa dalawang puntos na abante ng Chicago. Bagamat nagbanta pa ang Raptors matapos ang put back dunk ni Jonas Valanciunas, sinelyuhan na ni Butler ang laro sa pagsalpak ng split free throw na siya ring bumasag sa record ni Michael Jordan. (MARTIN A. SADONGDONG)