May kabuuang 20 dating pambansang atleta ang nakatakdang iluklok bilang pinakabagong batch ng mga natatanging miyembro sa Philippine Sports Hall of Fame.
Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Research and Development chief Dr. Lauro Domingo Jr. na kabuuang 148 kandidato ang nasa listahan para sa nominasyon ng mga opisyales ng mga national sports associations, media at stakeholders upang mailuklok sa prestihiyosong grupo ng mga natatanging personalidad.
“We encourage all the NSA’s officials as well as the other sports stakeholders and media to submit their nominations. Mayroon pa tayo hanggang Enero 15 para isubmit sa atin ang kanilang nominations,” sabi ni Domingo Jr.
Isang engrandeng seremonya ang inihahanda ng Philippine Sports Commission sa pagluluklok sa 20 sports heroes na kasabay sa gagawing selebrasyon ng ahensiya ng kanilang ika-26 na anibersaryo sa Enero 24 mula sa mapipili sa listahan ng mga dating atleta na nagsilbi sa bansa simula 1924 hanggang 1974.
Pinamumunuan ni PSC Chair Richie Garcia ang screening at selection committee at Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco Jr. ang vice chairman.
Matatandaan na ang unang batch ng Hall of Fame inductees ay kinilala noong termino ni PSC Chair Harry Angping noong 2010.
Ito ay kinabibilangan ni Gabriel “Flash” Elorde (pro boxing), amateur boxer na sina Jose Villanueva, Ceferino Garcia, Pancho Villa at Anthony Villanueva, swimmer Teofilo Yldefonso, track and field Miguel White at Simeon Toribio, Carlos Loyzaga at ang 1954 men’s basketball team. (ANGIE OREDO)