MINSAN lang kaming nakapanood ng karera ng kabayo, sa San Lazaro Hippodrome noon, na hindi na naulit kasi maingay at hindi kami maka-relate sa mga isinisigaw ng mga nagpupustahan at maging sa mga sinasabi ng announcer.
Ang namasdan lang namin, kung alin ‘yung unang kabayong nakatakbo mula sa umpisa ay hindi napanatili ang bilis at ang tendency, kung alin ‘yung pumapangalawa o pumangatlo—kung minsan sa panonood sa TV o sine, kung alin pa ang nasa hulihan—ay iyon pa ang panalo.
Nababanggit namin ito, Bossing DMB, dahil gusto naming ikumpara ang pelikulang Beauty and The Bestie nina Vice Ganda at Coco Martin sa My Bebe Love nina Vic Sotto at Ai Ai de las Alas.
Simula unang araw kasi ng MMFF hanggang sa nagtapos ang 2015 ay number one ang My Bebe Love.
Pero nang maglipat-taon, simula unang araw ng 2016 ay nabanggit na sa amin ng mga takilyera ng Robinson’s Magnolia, Alimall, Gateway Cinemas, Eastwood Mall, at Trinoma Cinemas na number one na ang Beauty and The Bestie.
Actually, iba-iba ang sinasabing standing sa bawat sinehan at nitong huli nga ay ang pelikula nina Vice at Coco na ang nangunguna sa palakihan ng kinikita sa takilya.
Timing naman na habang tinitipa namin ang balitang ito ay nag-post na nga ang Star Cinema na number one na sa box office ranking ang nasabing pelikula.
Hindi ito imposible dahil kahit kasisimula pa lang ng festival ay may feedback mula sa mga probinsiya na ang pelikula nina Vice at Coco ang may mas mahahabang pila sa lahat ng MMFF movies.
Agad naming tiningnan ang Instagram account ni Vice Ganda, na ito naman ang naka-post: “Lahat po kami na nagkasama sa pelikula ay gusto namin magpaabot at magbigay ng 300 million na pasasalamat.
“(Three hundred) 300 million na pasasalamat ang gusto naming ibalik sa inyo mga madlang people dahil ang ganda ng feedback, ang ganda ng review.
“Maraming, maraming salamat po. Tinapos n’yo nang napakabongga ang bagong taon namin at Pasko namin. Again, gusto namin ibalik sa inyo ang 300 million na pasasalamat for making us number one pa rin sa mga puso niyo.”
Samantala, tulad ng sinulat namin kahapon na nasa Dubai din si Vice noong Bagong Taon kasama ang pamilya at mga kaibigan, nasaksihan din nila ang sunog sa The Address Downtown Dubai Hotel kasabay ng kasagsagan ng fireworks display tulad ng pamilya Atayde.
Say nga ni Vice, “Nakakatakot, nakakaloka.” (REGGEE BONOAN)