Nagparating ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilyang naulila ni dating Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres, na pumanaw noong Huwebes sa edad na 62.
Ayon sa ulat, inatake sa puso si Torres noong Sabado sa The Medical City Clark sa Zambales, na kanyang ikinamatay.
Nagsimulang manilbihan si Torres sa gobyerno bilang cashier ng LTO sa Tarlac noong 1980, bago siya naitalaga bilang assistant secretary at hepe ng LTO noong Hulyo 2010.
Nagretiro siya sa serbisyo noong Oktubre 2013.
“We recognize her offering 33 years of her life to the continuous service to our government and citizens,” pahayag ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. sa panayam sa radyo.
Una nang inakusahan si Torres ng umano’y pagkakasangkot sa mga iregularidad sa LTO na naging dahilan ng pagbibitiw niya sa ahensiya.
Kabilang dito ang kumalat na video footage na nakita siyang naglalaro ng slot machine sa isang casino, na mahigpit na ipinagbabawal sa mga kawani ng gobyerno.
Noong Agosto 2015, tinangka rin umano ni Torres na puwersahin ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) na aprubahan ang paglalabas ng P100-milyon halaga ng nakumpiskang asukal na ipinuslit mula sa Thailand. - Roy C. Mabasa