Ngayon pa lang ay puspusan na ang paghahanda ng awtoridad para sa nalalapit na pagdiriwang ng Pista ng Nazareno sa Sabado, Enero 9.

Milyun-milyon ang inaasahang makikiisa sa prusisyon para sa taunang kapistahan kaya nais matiyak ng Manila Police District (MPD) ang kaligtasan ng lahat.

Ayon kay MPD Operations and Plans Division chief Lucile Faycho, bumuo na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Task Force Nazareno para sa pinakaaabangang pagtitipon.

Inaasahan din, aniya, na tutulong ang Philippine Army, Department of Health (DoH), Philippine Red Cross (PRC), at Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagmamantine ng kaayusan sa paligid ng Quiapo Church sa panahon ng Traslacion o prusisyon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinaplano na rin ang ruta ng Traslacion at inaasahang isasara ang ilang kalsada para sa pista, kabilang ang magkabilang lane ng Roxas Boulevard at Quezon Boulevard, gayundin ang Palanca at Dasmariñas Streets, at ang Quezon, McArthur at Jones Bridges.

Nananawagan naman ang MPD sa matatanda at mga may sakit na huwag nang sumama sa prusisyon upang makaiwas sa disgrasya.

Hindi rin, aniya, nila inirerekomenda na magsama ng mga bata sa prusisyon at pinayuhan ang mga lalahok sa Traslacion na huwag nang magsuot ng mga alahas at huwag na ring magdala ng maraming gamit, partikular ng gadgets, upang hindi mabiktima ng mga kawatan, na inaasahang magsasamantala sa okasyon.

Mas makabubuti rin kung magbabaon na lang ng tubig at pagkain para hindi magutom habang nagpuprusisyon.

(MARY ANN SANTIAGO)