Ni Marivic Awitan
Hindi tatawaging global sports icon si eight-division world champion at Saranggani Representative Manny Pacquiao kung wala siyang pinatunayan sa kanyang larangan.
Kahit na nga natalo siya sa kanyang laban kontra Floyd Mayweather Jr., sa tinaguriang “Fight of the Century” noong Mayo 2016, hindi pa rin nawala sa sirkulasyon at patuloy pa ring pinag-uusapan sa social media ang sikat na boksingero.
Katunayan, ang 8-division boxing champion ang ikalawa sa top10 “Most Discussed Global Athletes” sa taong 2015 batay na rin sa inilabas na listahan ng Facebook.
Siyempre, nangunguna sa listahan ang kanyang tormentor na si Mayweather dahil na rin sa hype na nakuha niya sa nasabing laban na marami ang nadismaya sa kinalabasan matapos hintayin ng mahigit limang taon at sa kanyang anunsiyong pagreretiro.
Pangatlo naman ang dating MMA champion na si Ronda Rousey na nakatikim ng di-inaasahang knockout sa kamay ni Holly Holm sa UFC 193 na ginanap noong Nobyembre 14, 2015 sa Etihad Stadium, Melbourne, Victoria, Australia.
Ang nasabing listahan ay ibinase ng Facebook kung gaano kadalas nababanggit ang pangalan ng mga nasabing atleta ng milyun-milyong social media user mula noong Enero 1 hanggang Disyembre 1 ng nakalipas na taon.
Ang iba pang mga kasama nila sa listahan ay sina football player Lionel Messi at Cristiano Ronaldo bilang pang-apat at panglima ayon sa pagkakasunod, American football star Tom Brady bilang pang-anim, NBA MVP Stephen Curry bilang pampito at ang Cleveland Cavaliers superstar at dating NBA MVP Lebron James bilang pangwalo, tennis star Serena Williams bilang pangsiyam at pangsampu ang Argentinian football star na si Carlos Tevez.