Ni ANGIE OREDO

Kakausapin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang National Sports Associations (NSA) na prayoridad ang pagbibigay ng kaukulang pondo sa Olympic sports para paghandaan ang nakatakdang pagsabak sa qualifying tournament sa 2016 Rio De Janiero Olympics.

Ito ang sinabi kahapon ni PSC Chairman Richie Garcia kung saan mayroong pa hanggang Hulyo ang mga NSA para paghandaan ang Rio Olympics.

Ayon kay Garcia, kinakailangan munang malaman ang pondo na ilalaan sa nabanggit na Olimpiada.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Every year naman natin ginagawa na mandatory sa mga NSA ang pagsusubmit ng kani-kanilang mga budget for the year at buong program nila na may short term at long range although kailangan natin agad ngayon dahil we had to put priority sa participation natin sa Rio Olympics,” sabi ni Garcia.

Sa kasalukuyan, dalawang atleta pa lamang ang lehitimong nakapagkuwalipika sa Olimpiada at ito ay kinilalang sina Eric Shauwn Cray na sasabak sa 400m hurdles event ng athletics at ang magiging tatlong sunod na Olympian na si Hidilyn Diaz ng weightlifting na magtatangka sa unang gintong medalya ngPilipinas sa women’s 53kg event.

Dalawang silya ang inaasahang ookupahan ng mga golfer habang patuloy na pinaglalabanang kanilang ranking sa Order of Merit habang dalawa ang hinihingi na mapunta sa swimming sa pamamagitan ng universality concept.

Inaasahan ni Garcia ang dagdag na makapagkukuwalipika sa taekwondo sa isasagawang Olympic qualifying event sa bansa sa Abril gayundin sa sports na judo, boxing, BMX cycling at ang inaasahang dadaan sa masikip na butas ng karayom na basketball at triathlon.

Pinagsusumite rin ng PSC ang lahat ngNSA na nakakuha ng pondo sa ahensiya ng kani-kanilang report sa lahat ng mga sinalihang torneo noong 2015 upang madetermina ang mga asosasyon na maganda ang naging kampanya sa ipinapatupad na programa na nakatulong sa pagbibigay karangalan sa bansa.

Inihayag ni Garcia na inaasahang magpapatupad ng mahigpit na patakaran ang PSC base na rin sa kautusan ng Commission on Audit (CoA) hinggil sa mga pondong ibinibigay ng gobyerno sa mga NSA.

“Andiyan pa rin ang policy natin at mismong order ng CoA na no liquidation, no funding,” sabi ni Garcia.

Maliban sa nakaraang 28th Southeast Asian Games sa Singapore at Incheon Asian Games, aalamin din ni Garcia ang iba pang naging resulta ng mga sinalihang internasyonal na torneo at training camps ng mga NSA na kumuha ng pondo mula sa PSC.

Matatandaang muling nakalasap ng masaklap na kampanya ang Pilipinas sa 2015 SEA Games sa Singapore kung saan nag-uwi lamang ito ng 29 ginto, 36 pilak at 66 tansong medalya para sa ikaanim na puwesto.