Isang leader na hindi puro salita kundi puro gawa.

Ito ang New Year’s wish para sa susunod na leader ng bansa ni Basilan Bishop Martin Jumoad kaugnay ng presidential elections sa Mayo 9.

“Sana nakapipili tayo ng isang leader na magiging inspirasyon at makapagdidisiplina sa mga Pinoy,” ayon kay Jumoad.

Hiling naman ng Obispo sa ngayong 2016 na maibsan ang traffic, magkaroon ng mas magandang transportation system, wala nang itatapong NFA rice, wala nang magugutom, at wala nang patayan sa Mindanao.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“At higit sa lahat. Sana’y mas manalangin tayo bilang isang bansa,” aniya.

Maging si Marbel Bishop Dunualdo Gutierrez ay may kahalintulad na New Year’s wish.

Aniya, umaasa siyang pipiliin ng mga botante ang kandidato na may integridad, may kakayahan, may malasakit sa kapakanan ng mamamayan, at isang visionary o mahusay magplano sa kinabukasan ng bansa.

Hangad din ni Gutierrez ang isang pangulo ng bansa na nagsasagawa ng konsultasyon, nag-eengganyo sa mamamayan na makibahagi, at bukas ang isipan sa pagbabago.

Mahalaga rin, aniya, na kaya ng susunod na pangulo na muling mapagkaisa ang mamamayan, mapagpakumbaba, may simpleng pamumuhay, at bihasa sa tamang paggamit ng yaman ng bansa.

Sa kanyang panig, nananalangin si Lipa Archbishop Ramon Arguelles na maliwanagan ang mga Pinoy ngayong taon upang bigyang-daan ang National Transformation na nakaangkla sa moralidad, pagmamahal sa Diyos, bansa at kalikasan.

(Leslie Ann G. Aquino)