Ni Marivic Awitan
Taliwas sa mga naunang ulat na tanging ang final matches lamang ng women’s division ang ipalalabas ng live sa television coveror ABS CBN, kinumpirma naman ng pamunuan ng istasyon na maging ang men’s division finals ng NCAA Season 91 volleyball tournament na nakatakdang ganapin ngayong buwan ay magkakaroon din ng live coverage sa kanilang Sports+Action Channel 23.
Ang mismong giant network ang nagpahayag na ipalalabas ang live coverage ng NCAA volleyball sa pamamagitan ng kanilang online site.
Bukod sa Sports+Action Channel 23, ipalalabas din ang mga laro sa kanilang Sports+Action HD Channel 166 at mayroon din silang live stream sa sports.abs-cbn.com/livestream/ncaa.
Sa pinakahuling schedule na inilabas ng liga, ang finals series ay magsisimula sa Enero 19 matapos ang Final Four round na nakatakdang magsimula ng Enero 12.
Aabot ang finals ng hanggang Enero 22 kung magkakaroon ng Game Three ang best-of-3 series.
Sa kasalukuyan, pito pang koponan ang nananatiling nasa kontensiyonpara sa nakalaang apat na slots sa Final Four sa huling bahagi ng eliminasyon na magsisimula ngayong araw na ito sa San Juan Arena.
Nangunguna sa kababaihan ang San Sebastian College na nananatiling wala pang talo matapos ang anim na laban kasunod ang defending champion Arellano University na may barahang 6-1, panalo-talo.
Kinakailangan na lamang ng dalawang koponan ng isa pang panalo upang pormal na makamit ang unang dalawang upuan sa semis na nagtataglay ng twice-to-beat advantage.
Naghahabol naman sa kanila at nag-aagawan para sa huling dalawang spot ang College of St. Benilde, Lyceum of the Philippines University, University of Perpetual Help, Jose Rizal University at Emilio Aguinaldo College.
Sa kalalakihan, namumuno naman ang University of Perpetual Help na gaya ng Lady Stags ay wala pang talo matapos ang unang anim na laro kasunod ang defending champion Emilio Aguinaldo College.
Nakabuntot naman sa kanila ang College of St. Benilde Blazers, ang runner-up noong Season 90 gayundin ang San Beda, Lyceum at Arellano.
Samantala, magtatangka ang Lyceum of the Philippines University na manatiling buhay ang kanilang tsansa para sa hangad na kauna-unahang pagsalta ng Final Four sa pagsabak nito kontra San Beda College sa pagpapatuloy ng elimination round ngayong araw na ito sa San Juan Arena.
Bago ang nakaraang Holiday break, nasa ika-4 na posisyon ang Lady Pirates matapos ang huling kabiguan, (25-18, 20-25, 15-25, 25-14, 11-15) sa kamay ng Univeristy of Perpetual Help Lady Altas.
Dahil dito, kailangan nilang mawalis ang huling dalawang laro sa elimination kabilang na ang labang ito sa San Beda para manatiling buhay ang kanilang pag-asa.
“Meron pa naman kaming tsansa,” ayon kay LPU coach Emil Lontoc.
Sa kalalakihan naman, sisikapin ng San Beda College na makahulagpos sa pagkakabuhol nila ng Arellano University sa ika-apat na puwesto sa pagsalang nila kontra Lyceum Pirates.