MADADAGDAGAN ang saya ng madlang pipol ngayong bagong taon dahil handa na ang entablado ng It’s Showtime sa pagbabalik ng patimpalak na inabangan at minahal ng masang Pinoy, ang “Tawag ng Tanghalan.”

Pinasikat ng naturang patimpalak ang ilan sa mga haligi ng industriya ng musikang Pilipino tulad nina Nora Aunor, Pepe Pimentel, at Bobot Mortiz. At ngayong 2016, mga bagong talento mula Luzon, Visayas, Mindananao, at Metro Manila ang muli nitong bibigyan ng pagkakataong maisakatuparan ang mga pangarap.

Apat na contestants araw-araw ang magpapagalingan sa pagkanta at magpapahanga sa mga hurado. Ngunit kapag nawala sa tono ang mang-aawit, tutunog ang gong na hudyat sa pagpapatigil sa pagkanta ng contestant. Malaking premyo rin ang naghihintay sa magiging defending champion na magkakamit ng P25,000. Mag-uuwi naman ng consolation prize na P5,000 ang mga hindi mapipiling mang-aawit.

Nag-umpisa na ang tagisan ng galing sa kantahan nitong Sabado (Jan 2) sa paglalaban-laban ng apat na contestants mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Hinirang na unang defending champion si Michelle Arcain mula Davao City at magbabalik ngayong Lunes (Jan 4) upang muling patunayan ang kanyang angking galing sa kantahan.

Vic Sotto, nasaktan sa ginawa ng TAPE sa Eat Bulaga

Ngayong linggo, magsisilbing hurado ang singing legends na sina Rico J. Puno, Rey Valera, at Bobot Mortiz kasama sina Nyoy Volante at Yeng Constantino. Kikilatisin nila ang aspiring singers at magbibigay komento sa performance ng mga ito.

Samantala, sabay sa pagbabalik ng “Tawag ng Tanghalan,” opisyal nang bahagi ng barkadahan ng It’s Showtime sina Amy Perez at Mariel Rodriguez-Padilla. Lubos na nagpasalamat sina Amy at Mariel para sa tiwala ng ABS-CBN management at ng madlang pipol at bumati ng isang Masaganang Bagong Taon sa lahat.

Huwag palampasin ang pagbabalik ng “Tawag ng Tanghalan” sa It’s Showtime, Lunes hanggang Sabado sa ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon, i-follow ang It’s Showtime sa Facebook at Twitter (@ItsShowtimena).