INIHAYAG ni United Nations Secretary-General Ban Ki-moon na siya ay “deeply dismayed” sa pagbitay sa isang prominenteng Shi’ite Muslim cleric at sa 46 na iba pang tao sa Saudi Arabia, at nanawagan siya ng kahinahunan at limitasyon sa nasabing bansa.
Binitay ng Saudi Arabia ang cleric na si Nimr al-Nimr at ilang miyembro ng Al-Qaeda nitong Sabado, upang patunayan na hindi nito kukunsintihin ang anumang pag-atake, mula man sa mga jihadist na Sunni o mula sa mga minoryang Shi’ite.
Nagbunsod ng matinding galit mula sa iba’t ibang sekta sa buong Middle East ang nasabing mga pagbitay.
“Sheik al-Nimr and a number of the other prisoners executed had been convicted following trials that raised serious concerns over the nature of the charges and the fairness of the process,” saad sa pahayag ng tagapagsalita ni Ban.
Ilang beses na idinulog ni Ban ang kaso ni Nimr sa mga pinuno ng Saudi Arabia at hinimok ang bansa na baguhin ang mga hatol na kamatayan na ipinataw sa mga akusado, ayon sa tagapagsalita.
Kaugnay nito, nanawagan din ang pinuno ng United Nations na maging mahinahon ang lahat at iwasan ang anumang pagpapadalus-dalos sa mga hakbangin upang hindi na lumala pa ang tensiyon sa pagitan ng mga sekta sa rehiyon.
“The Secretary-General also calls for calm and restraint in reaction to the execution of Sheikh Nimr and urges all regional leaders to work to avoid the exacerbation of sectarian tensions,” anang tagapagsalita.
Sinalakay ng mga ralisyistang Iranian ang embahada ng Saudi Arabia sa Tehran sa Iran kahapon ng umaga bilang reaksiyon ng mga Shi’ite Muslim ng Iran sa pagbitay ng Sunni Saudi Arabia kay Nimr.
Kinondena naman ni Ban ang nasabing pagsalakay at ang pagiging marahas ng mga raliyista sa embahada ng Saudi Arabia sa Tehran, ayon sa kanyang tagapagsalita. - Reuters