Nanawagan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga individual at corporate taxpayer na simulan na ang paghahain ng kani-kanilang 2015 income tax returns (ITRs).

Ito ang ipinaalala ni BIR Deputy Commissioner for Operations Nelson M. Aspe sa publiko upang maiwasang maulit ang nangyari noong nakaraang taon nang magkaproblema ang computer system ng ahensiya makaraang dumagsa ang daan-daan libong maghahain ng ITR ilang araw bago ang deadline.

Matatandaang napuno ng taxpayers ang mga tax filing centers sa mga huling araw ng ITR filing.

Sinabi ni Aspe na hindi na dapat pang hintayin ng taxpayers ang deadline sa Abril 15, at ngayon pa lang ay ihanda na at isumite ang kani-kanilang taunang ITR, para hindi magahol at maiwasan ang pakikipagsabayan sa dagsa ng mga taxpayer.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Aniya, ang lahat ng manual, electronic tax filers at accredited tax agents na gumagamit ng eBIRForms at Electronic Filing and Payment System (eFPS) ay maaari nang mag-download ng bagong bersiyon nito at maging maagap sa paghahain ng ITR upang maiwasan ang problemang teknikal o ang downtime ng computer system ng ahensiya.

Tiniyak naman ni Aspe na ang lahat ng BIR electronic service, kabilang ang integrated tax system (ITS), ay sumasailalim sa regular maintenance bilang paghahanda sa tax filing season.

Para sa anumang katanungan, maaaring bisitahin ang BIR website na www.bir.gov.ph o tumawag sa BIR hotline sa (02)981-888. - Jun Ramirez