GAYA ng nakalipas na mga pagsalubong sa Bagong Taon, maraming biktima ng sunog, ligaw na bala, at paputok ngayong taon. Gayunman, iniulat ng Department of Health (DoH) na pinakakakaunti ang naitalang nasugatan sa paputok ngayong taon.
Inihayag ng DoH na may 384 na nasugatan dahil sa paputok, karamihan ay sa Metro Manila o sa National Capital Region (243), habang may iilang kaso naman sa Bicol region at Calabarzon. Sa Metro Manila, karamihan sa mga nasugatan ay mula sa Maynila, Quezon City, at Marikina City.
Ang 384 na kasong naitala sa buong bansa ay isang napakalaking pagbaba mula sa 814 noong nakaraang taon, bagamat may isang nasawi—isang lasing na pedicab driver ang yumakap sa sinindihan niyang malakas na paputok hanggang sa sumabog ito.
Sa sumunod na dalawang araw, ang mga ulat mula sa mga lalawigan ay nagpataas sa nasabing bilang sa 760, ngunit mas mababa pa rin ito sa naitalang kabuuang bilang ng mga naputukan noong nakaraang taon.
Ang malaking natapyas sa bilang ng mga nasugatan sa paputok ay malinaw na resulta ng kampanya ng DoH na sinimulan ilang buwan na ang nakalilipas. Nakibahagi ang mga lokal na opisyal sa kampanya sa paglalaan ng mga lugar na roon lamang maaaring magbenta ng mga paputok. Maraming bayan at siyudad ang nagtakda ng mga partikular na lugar na roon lamang maaaring makapanood ng fireworks show ang publiko.
Umaani na rin ng suporta ang paggamit ng alternatibong ingay, gaya ng torotot, sa halip na paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Sa Tacloban City, sinabi ng mga lokal na opisyal na mas marami pang nagbenta ng torotot kaysa naglako ng paputok ngayong taon.
Karaniwan na rin ang mga sunog sa kasagsagan ng selebrasyon sa bisperas ng Bagong Taon. Sa Tondo, Maynila nitong Huwebes ng gabi, isang kwitis ang bumagsak sa isang abandonadong bahay at nagsimula ang sunog na tumupok sa may 1,000 bahay sa lugar. Dalawa ang nasawi—ang isa ay nahirapang huminga dahil sa makapal na usok habang tumutulong sa pag-apula sa apoy, habang isang babaeng residente naman ang inatake sa puso habang pinagmamasdan ang unti-unting pagkatupok ng kanyang bahay.
Sa kabila ng kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na pagpapaputok ng baril, may 28 pa ring insidente ng ligaw na bala sa walong lalawigan na naiulat nitong Enero 1. Mas marami pang kaso ang inaasahan habang patuloy na dumarating ang mga ulat mula sa iba’t ibang dako ng bansa.
Totoong muli tayong nakapagtala ng mga nasugatan sa paputok, sa ligaw na bala, at mga sunog nitong bisperas ng Bagong Taon, pero malaki ang kaibahan—ang mga nasugatan sa paputok ay nangalahati kumpara sa naitala noong nakaraang taon. Isa itong trend na inaasahan nating magpapatuloy at susuportahan sa mga susunod na taon.