AYON sa Department of Health (DoH), ang bilang ng mga naputukan sa pagsalubong sa Bagong Taon ay bumaba ng 53%. Mas mababa, aniya, ng 53% kaysa sa naitalang kaso noong 2015, at mas mababa kumpara sa naitalang 5-year average. Ganoon pa man, isinusulong ng DoH ang pagbabawal na sa mga paputok.
“Kaya lang nga,” wika nito, “mahirap nang mangyari ito sa taong ito (2016).”
Hindi komo may mga nadidisgrasya sanhi ng paputok ay ipagbabawal na itong tuluyan. Hindi dapat na sa problemang dulot ng paputok lang ibinabatay ang paglunas dito. May iba pang konsiderasyon na dapat isinasaalang-alang.
Halimbawa, ang statistics ng Department of Labor and Employment (DoLE) na dumoble ang bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Higit na dumagsa ang mga ito sa panahon ni Pangulong Noynoy kaysa sa panahon ng kanyang mga pinalitang Pangulo. May apat na milyong Pilipino naman ang walang trabaho, ayon sa Pulse Asia Survey.
Hindi maikakaila na ang paggawa ng paputok ay industriya sa ating bansa. Maraming pamilya ang umaasa dito para sa kanilang ikabubuhay. Anupa’t katuwang ito ng gobyerno sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mamamayan. Dahil may panahon ang pagdagsa ng mga tumatangkilik sa mga produkto nito, hindi mahihirapan ang gobyerno na kontrolin ito para pangalagaan ang kanilang kaligtasan. Katunayan nga, may batas na nilikha ang Kongreso sa layuning ito. Ang batas na ito ay gabay ng mga nasa industriya sa paggawa ng mga paputok. Kaya implementasyon lang ng batas ang lunas sa mga disgrasyang dulot ng paputok.
Kaya, ang pagbabawal sa paputok ay counter-productive. Ang mangyayari ay para bang nalaglagan ka ng barya sa dilim na sa hangad mong makita ito ay sisindihan mo ang isangdaang pisong papel para ito makita. Aalisan mo kasi ng katuwang ang gobyerno sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mamamayan sa panahong ito na dumarami ang walang trabaho at lumulubha ang kahirapan. Sa pagnanais nga ng iba na huwag mamatay sa gutom ay nangingibang-bansa upang doon lang mabitay o kaya sa kanyang pagbabalik, wasak na ang kanyang pamilyang dadatnan. (RIC VALMONTE)