Chris Banchero (PBA IMAGES)

Laro ngayon MOA Arena

7 p.m. Globalport vs. Alaska

Ni Marivic Awitan

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Simula na ng giyera para sa topseed Alaska at 5th seed Globalport sa pagbubukas ngayong gabi ng kanilang best of -7 semifinals series para sa 2016 PBA Philippine Cup na gaganapin sa MOA Arena sa Pasay City.

Kahit na nga sinasabing may malaking bentahe matapos ilampaso ang Batang Pier sa nag-iisa nilang paghaharap noong nakaraang eliminasyon, 123-104, naniniwala si Aces coach Alex Compton na hindi nila puwedeng basta balewalain na lamang ang kalaban.

Personal na nasaksihan ni Compton kung paanong tinalo ng Batang Pier sa pangunguna nina Stanley Pringle, Terrence Romeo kabalikat sina Billy Mamaril at Doug Kramer ang crowd favorite Barangay Ginebra Kings, 84-83, sa kanilang knockout game noong nakaraang quarterfinals para makapasok sa unang pagkakataon sa semifinals.

Naniniwala si Compton na malaking kumpiyansa ang naibigay nito sa Batang Pier bukod pa sa matinding motivation papasok ng Final Four round.

“I think Globalport has proven themselves to be an incredibly dangerous team,” ayon kay Compton. “They can score, make tough shots, and have guys who can feed off of the guys who create for them.”

Nabakante ang Aces sa competitive basketball mula ng huli nilang laro sa eliminations kontra Barako Bull noon pang Disyembre 20.

Kaya para hindi kalawangin ay kinailangan nilang mag-ensayo kahit noong nakalipas na ‘holiday season’ upang manatiling nasa kondisyon.

Gaya ng dati, mas binibigyan nila ng mabigat na atensiyon ang paghahanda sa kanilang depensa na siya ring susi kung bakit sila ang nangunang koponan sa nakalipas na eliminations.

Bagama’t batid nila kung sino ang mga manlalarong dapat na markahan o bantayan sa Globalport, naniniwala si Compton na hindi iyon magiging ganun kadali para sa kanyang koponan.

“We will really need to be at our best defensively if we want to win this series,” ayon kay Compton.

Sa kabilang dako, ang pagiging paborito ng kanilang katunggali ay hindi naman pinasusubalian ng Globalport.

Katunayan, aminado ang tropa ni coach Pido Jarencio na butas ng karayom ang kailangan nilang lusutan kung gusto nilang pumasok ng finals.

Mismong ang isa sa 1-2 punch ng Batang Pier na si Terrence Romeo ang umaming hindi basta-batas kalaban ang Aces lalo na ang kanyang kakampi sa Gilas Pilipinas na si Clavin Abueva.

“Kailangan mag-ready kami kasi sobrang hirap kalaban ang Alaska and si (kuya) Calvin,” pahayag ni Romeo.

“Yung Alaska hindi lang isang player ‘yung umiiskor sa kanila. Kalat-kalat yung umiiskor sa kanila kaya nag hirap depensahan,” dagdag pa nito.“Dito kami masusubukan talaga.”