SA kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas, lalung-lalo na sa panahon ng Himagsikan, ang mga kababayan natin ay naghanap ng kalayaan upang malagot ang tanikala ng mahabang panahong paninikil at pananakop. Sa paghahanap ng kalayaan, nagbuwis ng buhay, dugo, at sakripisyo ang ating mga ninuno at mga bayani. Naging bahagi ng ating kasaysayan na hindi nalilimot gunitain at bigyang-pugay ang kanilang kamatayan at kabayanihan. Sa Cavite, mahirap nang malimot ang pagka-makabayan at kabayanihan ng 13 martir na higit na nakilala sa tawag na Trece Martires ng Cavite. Sila ang mga dakilang Pilipino na ang kagitingan at kabayanihan ay isang inspirasyon ng pagmamahal sa bayan.

Ang kanilang martyrdom ay naganap noong Setyembre 12, 1896. Mababanggit din ang 13 martir ng Bagumbayan na makabayan at miyembro ng Katipunan. Matapos ang “Sigaw sa Pugadlawin”, dinakip at pinahirapan din sa kulungan ng mga Kastila.

Naglitis ang Korte Militar at hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Pinagbabaril sa Bagumbayan noong umaga ng Enero 11, 1897, 12 araw matapos barilin si Dr. Jose Rizal. Walang takot na hinarap ng 13 martir ng Bagumbayan ang kanilang kamatayan alang-alang sa kalayaan. Nasaksihan ng kapwa Pilipino, mga Kastila at dayuhan ang kanilang kamatayan. Ang kanilang mga dugo na tumilamsik, pumatak at umagos ay naging pandilig sa mga binhi at pangarap na kalayaan.     

Ngayong ika-4 ng Enero, sa kalendaryo ng kasaysayan, mahalaga ang araw na ito lalung-lalo na sa mga taga-Bicol sapagkat ginugunita ang kamatayan ng 15 martir ng Bicolandia. Ayon sa kasaysayan, dinakip at pinahirapan sa kulungan ng Nueva Caceres (Naga City ngayon) ang 15 martir ng Bicolandia matapos paratangan ng paghihimagsik sa mga Kastila.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Matapos ang isang mock trial ng Korte Militar noong Disyembre 29, 1896 ang 15 martir ng Bicolandia ay hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad.

Labing-isa sa 15 martir ay dinala sa Maynila at noong umaga ng Enero 4, 1897, sila’y walang awang pinagbabaril sa Bagumbayan (Luneta at Rizal Park na ngayon) sa lugar na kinatatayuan ng bantayog ng ating pambansang bayani. Tatlo sa 15 martir ng Bicolandia ay mga pari. Sila ay sina Padre Gabriel Prieto, Padre Severino Diaz, at Padre Inocencio Herrera. Katulad ng nangyari kina GomBurZa, sila’y hindi nakaligtas sa kalupitan ng mga Kastila.

Bilang pagdakila sa kabayanihan ng 15 martir ng Bicolandia, taun-taon ay hindi nakalilimutang bigyan ng parangal sa pamamagitan ng isang programa na sumasariwa sa kanilang kagitingan. Ang bantayog ng 15 martir ng Bicolandia ay sagisag hindi lamang ng pagpapahalaga ng Bicolandia sa mga anak nitong bayani kundi sa kanilang partisipasyon, panata at marangal na hangarin at pangarap sa pagkakamit ng kalayaan ng mga Pilipino na tinatamasa at inaalagaan natin ngayon. (CLEMEN BAUTISTA)