Patay ang isang 19-anyos na empleyado habang 42 iba pa ang nasugatan nang sumalpok ang isang pampasaherong bus sa isang restaurant sa Maharlika Highway, Barangay Sto. Cristo, pasado hatinggabi kahapon.

Kinilala ni Supt. Harold Depositar, hepe ng Sariaya Police, ang nasawi na si Jessa Lagrazon Estimo, empleyado ng Kabayan restaurant, at residente ng Bgy. Sto. Cristo, Sariaya, Quezon.

Dead on the spot si Estimo sa insidente, ayon sa pulisya.

Ayon sa ulat, natutulog si Estimo sa loob ng restaurant nang araruhin ito ng Raymund Bus (UWE-723) na minamaneho ni Leandro B. Deguito, pasado hatinggabi kahapon.

Sen. Risa, ibinalandra ang chart ng mga personalidad na umano'y sangkot sa POGO

Ayon sa ulat, 41 sa 56 na pasahero ng bus ang nasugatan sa insidente.

Nagtamo rin ng sugat sa katawan ang isang kasamahan ni Estimo sa trabaho na si Joselito M. Dimayuga, 45 anyos.

Lumitaw sa imbestigasyon na umalis ang bus sa Lucena City at patungo sana sa Cubao, Quezon City nang mangyari ang insidente.

Base sa salaysay ni SPO2 Ysmael Nocum, ng Sariaya Tourist Police, nagpapatrulya sila sa lugar sakay ng mobile car nang lagpasan sila ng Raymund Bus. Subalit nang pamaniobra na ang bus pabalik sa kanilang lane, sinabi ni Nocum na bigla itong nagpagewang-gewang bago bumangga sa Kabayan restaurant.

Agad namang inaresto ng mga tauhan ng Sariaya Police si Deguito. (Danny Estacio)