“HAPPY New Year, Regg! Quiet na lang po muna ako. Tagal na rin no’n, eh. Salamat.” Ito ang sagot ni Direk Cathy Garcia-Molina tungkol sa reklamo ni Rossellyn Domingo na naging talent sa seryeng Forevermore na pinagbidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil na umere noong Oktubre 2014 at nagtapos noong Mayo 2015.
Inilabas sa social media ang naturang reklamo na nang mabasa namin ay hindi na kami nagulat dahil normal na naming naririnig ang ganitong mga kuwento ng mga kakilala naming artista tungkol sa halos lahat ng direktor.
Ayon kay Rossellyn, dalawa sila ng boyfriend niyang si Alvin Campones, gumanap bilang si Makoy sa serye, at isang UP professor, na sinigaw-sigawan ni Direk Cathy sa harap ng maraming tao habang nagti-taping ng Forevermore sa La Presa, Mtr. Kabuyao, Tuba, Benguet.
Naririto ang open letter na ipinost ni Rossellyn sa kanyang Facebook account noong Disyembre 31, 2015:
“Nanood po ako ng Walang Forever at nakita ko kayo nang ilang segundo sa umpisa ng pelikula. Naroon pa rin pala ang sama ng loob ko sa inyo na ayaw ko nang dalhin pa sa 2016.
“Hinintay ko po talagang matapos ang A Second Chance bago ko kayo sulatan para makaiwas sa kontrobersya, baka kasi sabihin niyo, paninira lamang ito para maapektuhan ang kita ng inyong bagong pelikula.
“Nakasama niyo po ako sa Forevermore. Gumanap ako bilang Celia na asawa ni Makoy na naninirahan sa La Presa. Noong nagkita tayo sa La Presa, kinilig ako. Sa wakas, sabi ko, makakatrabaho ko na rin ang direktor ng One More Chance.
Tatlong buwan na akong nag-eekstra sa mga teleserye noon at masasabi ko na ang Forevermore ang biggest project na nakuha ko. Bata pa lamang ako, hilig ko na ang pag-arte. Nakailang theater acting workshop ako bago ko sinubukan na umekstra sa telebisyon.
“Mahal kong talaga ang pag-arte kaya hangga’t kaya kong isingit (mayroon kaming travel agency), pinipilit kong tumanggap ng mga papel na gagampanan sa mga teleserye. Nagsimula ako bilang bahagi ng mga crowd. Hindi nagtagal, naglilinya na rin ako.
“Sa Forevermore ako unang nagkaroon ng pangalan. Ako si Celia. Tuwang-tuwa ako noon dahil sa oportunidad na nabuksan sa akin. Sayang at ilang araw lang akong nanatili sa La Presa. Hindi kasi kaya ng sikmura ko ang pagmumura niyo sa mga ekstra. Sagad sa buto.
“Napakasakit para sa akin na mura-murahin niyo nang pauli-ulit ang boyfriend ko sa harap ng maraming tao. Nakatatak sa alaala ko ang mga ngisi at tawanan ng mga staff at cameramen niyo kapag nagpapakawala kayo ng mga mura.
“Hindi niyo alam kung gaanong iginagalang ng napakaraming tao ang “ekstrang” minura-mura at ipinahiya ninyo.
“Sabi ng mga nakakakilala sa inyo, wala raw personalan, stressed ka lang, ganoon talaga. Unawain ka na lang.
“Ayon nga sa isang boss niyo sa ABS-CBN na sumagot sa amin sa email, “you are known for cursing in the set” at iyon raw ang paraan niyo ng pag-cope sa stress ng inyong trabaho. Ganoon ba talaga ‘pag stressed? Dapat kang maging insensitive sa damdamin ng ibang tao para guminhawa ang pakiramdam mo?
“Ako na ang naglakas-loob na gumawa ng open letter dahil alam kong may kasalanan rin ako sa nangyari. Hindi sana ako pumayag na sumalang siya sa ilang eksena bilang substitute ng dapat ay kapareha ko. Pero pwede bang sumama kayo na humingi ng paumanhin para mapayapa na ang aming isip at loob?
“Marahil alam niyo na noon na may na-offend kayong tao pero wala lang kayong pakialam dahil kayo si Direk Cathy G. O baka sakali, hindi lang kayo aware sa bigat ng inyong nagawa, kahit isang taon na kaming nagfa-follow up sa ABS-CBN at ilang beses na ring napangakuan na paghaharap-harapin tayo.
“Narito po ang buong complaint na ipinadala namin noong Oktubre 2014. Sana sa pamamagitan nito, maunawaan niyo ang tindi at bigat ng gaspang ng ugali na ipinakita niyo. Bilang isang edukadong tao (pareho kayong UP graduate ng boyfriend ko, doon na rin siya nagtuturo ngayon) naniniwala akong malalaman niyo ang tama at mabuting gawin para iwasto ang inyong maling nagawa.
“Sana magkita na po tayo soon para makapagpatawaran tayo... sa tamang panahon.”
Maayos at magalang ang pagkakakuwento ni Rossellyn at marahil nga ay hindi pa niya talaga naiintindihan ang takbo ng showbiz.
Kung nagbabasa si Rossellyn ng mga naiinterbyung direktor ng showbiz writers ay malalaman niya na kung anong klaseng direktor sila at isa na nga roon si Direk Cathy.
Sa tuwing may nakakapanayam kaming direktor ay talagang inuurirat namin kung anong klaseng direktor sila, kung mabait ba o nagmumura, nanghihiya ng artista, at iba pa.
Kabilang sa kanila Direk Cathy na talagang umaming mabait siya kung sa mabait, pero halimaw siya kapag pissed off na siya kesehodang talent o artista ang hindi makasunod sa instructions.
Natatandaan naming sinabi ni Direk Cathy noong una niyang idirek sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa ikalawang serye nilang Got To Believe, talagang nakakatikim sa kanya ng sigaw ang dalawang bagets na naging dahilan pa para maiyak si Kathryn.
Unang pakikipagtrabaho iyon ni Direk Cathy sa KathNiel kaya inalalayan niya, pero kalaunan ay nakakatikim na rin ng paghihigpit ang magka-love team.
Pareho pang limitado ang alam sa acting ng KathNiel sa una nilang seryeng Princess and I pero unti-unti nang nagkaroon ng improvement sa mga sumunod na projects.
Personally, nakita na namin kung paano sumigaw si Direk Cathy hindi dahil galit siya kundi dahil gusto niyang matuto ang mga artista niya katulad nina Bea Alonzo, John Lloyd Cruz, Sarah Geronimo, Gerald Anderson na pawang nag-hit ang mga pelikulang siya mismo ang nagdirek.
Ikalawa, totoong stressed ang direktor kapag may hinahabol na playdate, na taning sa kanila ng network o movie outfit. Common knowledge ang Star Cinema sa mabilisang proyekto, kaya nagpapa-presscon na, pero iyon pala ay may ilang araw pang shooting days.
Kung tutuusin, mabait pa si Direk Cathy kumpara sa ibang terror pero mga premyadong direktor. Kung sila ang makakaengkuwentro ng sinumang baguhan, baka lumuha ka na ng dugo. Ang iba, talagang pauuwiin ka kung hindi mo makuha ang gusto nilang pag-arte.
Sa pelikulang Ekstra ni Vilma Santos ipinakita kung gaano kahirap ang dinaranas ng talent sa teleserye o pelikula.
Hindi na namin papangalanan ang isang direktor na nakatsikahan namin, na matiyagang tinuruang umarte ang isang kilalang aktor na ang paglalarawan ay, “bobong umarte maski na anong paliwanag, wala talaga.”
Pero dahil matagal pang makakatrabaho ng direktor ang kilalang aktor, na isa sa mga bida, wala siyang choice kundi pagtiyagaang turuan. Inabot na ng ilang buwan, wala pa ring improvement. Laking pasalamat ng direktor nang mag-wakas na ang teleserye nila dahil kung hindi’y baka matuyuan na siya ng dugo sa sobrang kunsumisyon sa pagtitiis sa kilalang aktor.
Ngayon, ayaw na ayaw na ng direktor na makatrabaho ang kilalang aktor dahil ayaw na niyang maulit ang pagdurusa at magsayang ng oras sa pagtuturo. Pero naging grateful naman ang kilalang aktor sa kanyang direktor na kahit puro sigaw ang nakuha niya ay matiyaga siyang tinuruan at natuto na siya. In fairness, nakitaan na rin namin ng acting ang aktor na kasalukuyang may umeereng serye ngayon.
Wala namang pagkakaiba ang trabaho ng reporters sa artista, dahil kaming reporters ay nakakatikim din ng galit ng aming editor kapag hindi namin naisusumite sa tamang oras ang aming reports. Masuwerte na kami kung makakalusot kami ng isa o dalawang beses, pero sa ikatlo, malamang mawalan na kami ng trabaho.
Pero tama ang sinulat ni Rossellyn, na sana ay magkita sila sa tamang panahon ni Direk Cathy Garcia-Molina at makapag-usap at magkaayos para mawala na ang galit sa dibdib niya.
Wish ko ‘yan para kay Rossellyn at sa boyfriend niyang si Alvin ngayong 2016. (REGGEE BONOAN)