Sa halip na kasiyahan para sa dobleng selebrasyon sa kaarawan at Bagong Taon ay balot ngayon ng kalungkutan ang dalawang pamilya matapos bawian ng buhay ang dalawang indibiduwal, kabilang ang isang pitong taong gulang na lalaki, na nadamay sa pamamaril ang isang suspendidong barangay tanod sa Makati City noong Enero 1.
Gabi ng Biyernes nang nalagutan ng hininga si Marc Angelo Diego, na unang na-comatose sa Pediatric Intensive Care Unit ng Ospital ng Makati (OsMak), dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.
Dakong 5:00 ng umaga kahapon nang bawian ng buhay sa naturang ospital si John Edward Pascual, 28, dahil sa apat na tama ng bala ng baril sa dibdib.
Sugatan naman ang bisitang si Israel Lava makaraang madaplisan ng bala sa hita.
Nagsasagawa ng manhunt operation ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Makati City Police at Taguig City Police laban sa suspek na si Raymundo Liza, alyas “Munding”, tanod sa Barangay Southside.
Sa inisyal na ulat, dakong 12:00 ng hatinggabi at nagkakasiyahan sa isang party ang pamilya Diego, kasama ang kanilang mga bisita at mga kaibigan, kabilang sina Pascual at Lava, sa Palar Village, Bgy. Southside boundary ng Taguig City.
Mistulang naingayan umano ang suspek sa pagsasaya ng pamilya Diego kaya galit na kinuha nito ang kanyang baril at walang habas na pinaulanan ng bala ang umpukan ng mga bisita ng pamilya, at napuruhan ang batang Diego at si Pascual.
Agad tumakas ang suspek sakay sa motorsiklo at bitbit ang baril na ginamit sa krimen. (Bella Gamotea)