Inamin ni Top Rank big boss Bob Arum na apektado ang kikitain ng nakatakdang pagtutuos sa ikatlong pagkakataon nina eight-division world titlist Manny Pacquiao at WBO welterweight champion Timothy Bradley dahil sa “Mayweather-Pacquiao” fight na ginanap noong May 2015.
Sinabi ni Arum na mahihirapan silang ibenta sa boxing fans lalo na sa pay-per-view (PPV) ang ikatlong pagtutuos nina Pacquiao at Bradley.
Isa umano sa malaking rason ay ang hindi pagpili ni Pacquiao kay Terence Crawford at Amir Khan na lubhang nakadismaya sa mga ito.
Sa pakikipag-usap ni Arum sa HBO at PPV distributors, mas tatangkilin pa raw kasi si Bradley kumpara kina Crawford at Khan na hindi pa masyadong sikat.
Medyo mabango rin daw ngayon si Bradley dahil sa bago nitong trainer at huling panalo kontra kay Brandon Rios.
Naniniwala rin si Arum na meron pa ring epekto sa fans ang nakadidismayang kinalabasan ng paghaharap nina Pacquiao at Floyd Mayweather Jr., noong buwan ng Mayo, nakalipas na taon.
Para naman kay Arum, mas kikita sa pay-per-view ang Pacquiao-Bradley Part 3.
Samantala, sa ulat ng ESPN, sinasabing ang tatanggaping premyo ni Pacman sa laban sa Abril 9, 2016 ay halos isang bilyong piso o katumbas ng $20 million na guaranteed purse.
Nagpadala na rin daw si Arum ng advance na bayad kay Pacquiao na umaabot sa halos P100 million para maselyuhan ang deal.
Inihayag ni Arum na ang adviser ni Manny na si Michael Koncz ang nagsagawa ng koordinasyon sa kontrata.
Iginiit ni Arum na ibang labanan na ang mangyayari ngayon sa dahilang ibang Bradley na ang matutunghayan ng mga boxing fanatics.
Isa sa binibigyang halaga ni Arum ay ang performance ni Bradley sa huling laban kay Brandon Rios. (Bombo Radyo)