Tatapusin ngayong taon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ipinatatayo nitong permanenteng pabahay at ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan sa libu-libong biktima ng kalamidad sa nakalipas na limang taon.
Ito ang isa sa mga New Year’s Resolution ng DSWD matapos nitong ihayag na “naging mabagal ang aksiyon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mahihirap na apektado ng kalamidad”.
“The DSWD will focus on the full implementation of the recovery and rehabilitation efforts in disaster stricken areas of the Visayas earthquake, Zamboanga conflict and typhoons ‘Sendong,’ ‘Pablo,’ ‘Glenda’ and ‘Yolanda,’” saad sa pahayag ng DSWD.
Kamakailan, inulan ng batikos ang DSWD dahil sa kabagalan nitong magkaloob ng ayuda upang maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga pamilyang apektado ng natural at man-made calamities, sa kabila ng malaking pondo na inilaan ng gobyerno, at donasyon mula sa iba’t ibang bansa.
Inaasahan ding maglalabas ang DSWD ng department-wide Disaster Risk Reduction and Management protocols/system/capacity building guidelines na makatutulong sa kagawaran at sa iba pang ahensiya ng gobyerno na mapaghandaan ang pananalasa ng mga kalamidad sa bansa. (Rommel P. Tabbad)