Mahigit 200 pamilya mula sa North Cotabato ang nagsilikas sa mas ligtas na lugar bunsod ng matinding bakbakan ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF), na sumiklab ilang oras bago ang Bagong Taon sa Matalam, Kidapawan City.

Ayon sa ulat ng Matalam Police, tatlong miyembro ng MNLF ang patay habang anim na bahay ang nasunog nang magkasagupa ang dalawang grupo.

Kinilala ni Senior Insp. Sonny Leoncito, hepe ng Matalam Policem, ang mga nasawi na sina Badrudin Engki, 27; Taya Akmad, 60; at isang “Marshall”, 30, pawang miyembro ng MNLF at residente ng Purok 5, Barangay Kidama.

Sinabi rin ni Leoncito na sinunog ng mga miyembro ng MILF ang mga bahay nina Macapagal Mangadta, Tautin Lamalan, Totin Ladsingan, Kamid Engki, Sittie Ladsinga, at isang “Allan.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagsimula ang pag-atake ng grupo ng MILF, na pinamumunuan ng isang “Ambalatan”, sa isang barangay na pinagkukutaan ng MNLF, partikular ang angkan ni Mangadta.

Naniniwala ang pulisya na may matagal nang alitan ang angkan ng Mangadta at Ambalatan dahil sa agawan sa ekta-ektaryang lupain na pinagmulan ng bakbakan.

Noong Enero 1, nagtungo ang mga miyembro ng Local Monitoring Team (LMT), na binubuo ng mga kinatawan ng gobyerno at MILF, kasama ang lokal na pamahalaan ng Matalam sa Barangay Kidama upang pigilin ang armadong sagupaan ng dalawang rebeldeng grupo. (Malu Cadelina Manar)