ITO ay dapat na panahon ng kapayapaan—mula sa Simbang Gabi ng Disyembre 16 hanggang sa Kapistahan ng Tatlong Hari ngayong Enero 3—ngunit sumiklab ang karahasan sa Sultan Kudarat, Maguindanao, at North Cotabato sa Mindanao noong bisperas ng Pasko, at siyam na sibilyan ang nasawi. Mula sa napakalayong Vatican City sa Rome, kinondena ni Pope Francis ang mga pagpatay na isinisisi sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Inihayag ng mga Ilonggong nakatira sa isang liblib na barangay sa North Cotabato na aarmasan na nila ang sarili upang protektahan ang kanilang mga buhay, ari-arian, at kabuhayan mula sa mga pag-atake ng mga armadong lalaki na iniuugnay sa BIFF. Sinabi ng mga Ilonggo na kailangan nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili dahil hindi sila kayang tulungan ng gobyerno. Walang military detachment o himpilan ng pulisya sa lugar, anila.

Ang BIFF ay grupong tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na tumiwalag din noon mula sa Moro National Liberation Front (MNLF). Sa engkuwentro sa Mamasapano noong Enero 2015, ang BIFF, MILF, at iba pang armadong grupo ay napaulat na lumaban sa mga operatiba ng Special Action Force na inatasang dakpin ang isang Malaysian terrorist bomber sa lugar.

May kasunduan ang MILF sa peace panel ng gobyerno para sa pagtatatag ng Bangsamoro Entity na papalit sa Autonomous Region of Muslim Mindanao. Gayunman, hindi bahagi ang BIFF ng alinmang kasunduang pangkapayapaan. Sinisisi ang grupo sa pagdukot at panghihingi ng ransom kamakailan sa mga pamilya ng dalawang Canadian at isang Norwegian sa Davao City. At ito rin ang itinuturong responsable sa mga huling pagpatay na tinuligsa ni Pope Francis.

Nangyari ang mga pagpatay kahit na suspendido ang mga operasyon ng MILF sa nabanggit na bahagi ng Mindanao.

Inaasahang kapag pormal nang inaprubahan ng Kongreso ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at ganap nang naitatag ang Bangsamoro Autonomous Region, magsisimula na ring maramdaman ang kapayapaan sa lugar.

Gayunman, matinding hirap ang kinahaharap ng BBL sa Kongreso. Hindi nagawa ng Kamara na magkaroon ng quorum upang aprubahan ang panukala. At isinantabi ng Senado ang orihinal na panukala kapalit ng isang tinapyas ang maraming probisyon, na sa paniwala ng mga senador ay labag sa Konstitusyon. Sa harap ng mga pangyayaring ito sa Kongreso, sinabi ng mga opisyal ng MILF na hindi dapat na tuluyang mabago ang Bangsamoro Law mula sa orihinal na panukala.

Ilang buwan nang nararamdaman ang kawalang katiyakang ito at ngayon, ang mga huling pagpatay na kinondena ng Papa ay malinaw na masamang senyales ng mga mangyayari. Patuloy na inaasam ng administrasyon na maaaprubahan na ang panukalang BBL. Gayunman, sa ngayon ay dapat na magpatupad ng mga hakbangin upang maiwasang maulit ang mga pagpaslang sa mga inosente—na posibleng lumubha sa mga susunod na linggo o buwan.