PARIS (AFP) – Narito ang pagbabalik-tanaw sa mga kaganapan sa mundo noong 2015.
ENERO
7-9: France – Labimpitong katao ang pinaslang sa mga pag-atake sa Paris sa satirical magazine na Charlie Hebdo at makalipas ang dalawang araw sa isang Jewish supermarket.
26: Syria – Naitaboy ang Islamic State jihadist group palabas sa bayan ng Kobane sa Syria sa Turkish border matapos ang mahigit apat na buwang pakikipaglaban ng Kurdish forces sa tulong ng US-coalition airstrikes.
PEBRERO
12: Ukraine – Nagkasundo ang Ukraine government at ang mga rebelde sa “Minsk II” peace roadmap, na sinuportahan ng France, Germany at Russia, ngunit nanatiling mahina ang tigil-putukan.
14: Denmark - Dalawang katao ang namatay sa isa sa pinakamalagim na terrorist attack sa bansa nang mamamaril ang isang lalaki sa isang café at isang synagogue.
MARSO
18: Tunisia – Inatake ang Bardo Museum sa Tunis na ikinamatay ng 21 banyagang turista at isang Tunisian policeman.
Noong Hunyo 26 isang atake sa holiday resort ang pumatay ng 38 banyagang turista, habang noong Nobyembre 24 ang pambobomba sa isang presidential guard bus ay pumatay ng 12 katao. Ang lahat ng mga pag-atake ay inako ng IS.
24: France – Bumulusok ang isang Airbus na pag-aari ng German budget airliner na Germanwings sa French Alps na ikinamatay ng lahat ng 150 sakay nito. Sinabi ng mga imbestigador na sinadya ng co-pilot na si Andreas Lubitz na ibangga ang eroplano.
26: Yemen – Sinimulan ng mga jet mula sa Saudi-led coalition ang kampanya ng pambobomba sa mga rebeldeng Huthi Shiite sa Yemen bilang suporta kay President Abedrabbo Mansour Hadi. Umabot na sa 6,000 katao ang namatay sa sigalot.
ABRIL
2: Kenya/Somalia – Minasaker ang 148 katao, karamihan ay mga estudyante, nang umatake ang Shebab Islamist group ng Somalia sa Garissa university sa Kenya.
25: Nepal – Tumama ang 7.8-magnitude na lindol na pumatay ng tinatayang 8,900 katao at sumira sa kalahating milyong tahanan. Sinundan ito ng magnitude 7.3 aftershock noong Mayo, na ikinamatay ng ilang dosena pa.
26: Burundi – Sumiklab ang madugong protesta laban sa matagumpay na pagbabalik ni President Pierre Nkurunziza para sa ikatlong termino. Daan-daang katao ang namatay ng mga sumunod na buwan.
MAYO
22: Ireland – Sa makasaysayang national referendum, isinabatas ng Ireland ang same-sex marriage.
29: Nigeria – Sumumpa si Muhammadu Buhari, nahalal na pangulo noong Marso, na magsagawa ng matinding opensiba laban sa Boko Haram Islamists, na iniugnay sa grupong Islamic State. Pinaslang ng mga insurgent ang mahigit 1,500 katao simula noon, at nagsagawa rin ng mga pag-atake sa mga katabing bansa ng Cameroon, Chad at Niger.
HUNYO
1: China – Tumaob ang isang Chinese cruise ship sa Yangtze river sa central China, na ikinamatay ng 442 sa 454 kataong sakay nito.
17: United States –Isang white gunman ang pumatay ng siyam na tao sa isang makasaysayang black church sa Charleston, South Carolina.
26: United States – Nagpasya ang US Supreme Court na ang gay marriage ay isang karapatan sa lahat ng estado ng US.
26: Tunisia – Isang Islamist gunman ang pumatay ng 38 katao matapos mamaril sa isang beach resort sa Tunisia.
Napatay siya sa pakikipagbarilan sa security forces.
HULYO
1: United States/Cuba – Nagkasundo ang US at Cuba sa makasaysayang kasunduan na muling itatag ang full diplomatic relations, na pinutol 54 taon na ang nakalipas sa panahon ng Cold War.
13: Greece – Matapos ang mga naudlot na negosasyon, tinanggap ni Greek Prime Minister Alexis Tsipras ang three-year 86-billion-euro ($93 billion) EU bailout na sumagip sa Greece para manatili sa eurozone.
14: Iran – Nagbuo ang makasaysayang kasunduan ng Iran at major powers at tinitiyak na ang Iran ay hindi magkakaroon ng nuclear bomb matapos ang 18 magkakasunod na araw ng mga pag-uusap.
AGOSTO
12: China – Naganap ang malaking pagsabog sa isang chemical storage facility sa Tianjin, isa sa pinakamalaking lungsod ng China, na ikinamatay ng 165 katao.
SETYEMBRE
2: Europe – Ang larawan ng isang tatlong taong gulang na batang lalaking Syrian, inanod sa dalampasigan ng Turkey, ang nagbigay diin sa pinakamalalang migration crisis simula nang magwakas ang World War II.
18: United States/Germany – Tinamaan ng pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ang auto giant na Volkswagen matapos mabunyag na nandaya ito sa pollution tests sa US.
19-21: Cuba – Naganap ang makasaysayang pagbisita ni Pope Francis sa Cuba bago tumungo sa United States. Bumiyahe rin ang papa sa Kenya, Uganda at sa Central African Republic mula Nobyembre 25-30.
24: Saudi Arabia – Ang stampede sa hajj pilgrimage ay nag-iwan ng 2,236 patay sa Mina, malapit sa Mecca.
30: Syria – Naglunsad ang Russia ng air strike sa Syria laban sa IS para suportahan ang rehimen ni President Bashar al-Assad.
OKTUBRE
3: Afghanistan – Isang US raid sa isang ospital sa hilagang lungsod ng Kunduz ang pumatay ng 42 sa isinagawang opensiba laban sa mga Taliban sa lungsod.
10: Turkey – Dalawang suicide bombing sa isang peace rally sa Ankara ang pumatay ng mahigit 100 katao, at sinabi ng mga prosecutor na ang mga pag-atake ay iniutos ng IS upang guluhin ang botohan.
20: Canada – Nagwagi si Liberal leader Justin Trudeau, anak ng isang popular na dating prime minister, sa general election.
31: Egypt/Russia – Isang Russian passenger jet ang pinabagsak habang dumaraan sa Sharm el-Sheikh resort sa Egypt pabalik sa Saint Petersburg, na ikinamatay ng 224 sakay nito. Inako ng IS ang responsibilidad sa tinawag ng Russia na pambobomba; sinabi ng Egypt na wala itong ebidensiya na mayroong “terror” attack.
NOBYEMBRE
1: Turkey – Nakapuntos ang Justice and Development Party (AKP) ni President Recep Tayyip Erdogan ng nakamamanghang electoral comeback.
7: China/Taiwan – Naganap ang makasaysayang pagkamayan at pagpalitan ng magagandang salita ang mga pangulo ng China at Taiwan sa unang summit simula nang maghiwalay ang dalawang panig noong 1949.
8: Myanmar – Landslide ang pagwagi sa halalan ng partido ng democracy icon na si Aung San Suu Kyi matapos ang ilang dekada ng pamumuno ng militar.
13: France – Naganap ang magkakaugnay na pamamaril at suicide bombing ng mga jihadist sa national sports stadium, concert hall at mga bars at restaurant sa Paris na nag-iwan ng 130 patay at daan-daang sugatan. Inako ito ng IS.
20: Mali – Patay ang 20 katao sa pag- atake sa isang luxury hotel sa kabiserang Bamako. Inako ito ng isang Al-Qaeda affiliate.
24: Turkey/Russia – Binaril at pinabagsak ng NATO member Turkey ang isang Russian fighter jet sa Syrian border, sa katwirang nilabag nito ang Turkish airspace, nagbunsod iringan ng dalawang bansa.
DISYEMBRE
2: United States – Minasaker ng isang mag-asawa ang 14 katao sa San Bernardino, California, bago sila napatay sa pakikipagbarilan sa mga pulis.
3: South Africa – Nahatulan ang South African amputee sprinter na si Oscar Pistorius, bumaril sa kanyang kasintahan noong 2013, ng murder matapos ang apela ng mga prosecutor.
6: Venezuela –Nagwagi ang isang centre-right coalition sa unang opposition parliamentary majority sa loob ng 16 taon sa gitna ng economic crisis sa nasyon.
12: Environment – Inaprubahan ng 195 nasyon ang makasaysayang accord para pigilin ang global warming.
12: Saudi Arabia – Nagwagi ang 20 kababaihan ng puwesto sa unang pagkakataon sa municipal polls, gayunman nanatili ang maraming pagbabawal sa kababaihan sa konserbatibong kaharian.
18: Syria – Magkakaisang pinagtibay ng UN Security Council ang resolution na nag-eendorso sa peace process upang wakasan ang halos limang taong digmaan sa Syria.
27: China – Winakasan ng Beijing ang kanyang napaka-kontrobersyal na one-child policy.