Sino’ng may sabing walang himala?

Tanging ang aktres na si Nora Aunor sa kanyang klasikong blockbuster movie na “Himala.”

Subalit para sa mga residente ng Barangay 155 sa Tondo, Maynila, na halos walang natirang ari-arian matapos masunog ang kanilang komunidad noong Biyernes, mayroon pa ring himala sa kanilang buhay.

Ito ay makaraang madiskubre nila na tanging ang imahen ng Poong Nazareno ang hindi nasunog samantalang naabo ang lahat ang bahay at personal na gamit sa lugar sa sunog sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon noong Huwebes ng gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Maging ang kapilya, na naroon ang Poon, ay hindi nasira sa sunog.

Ito ang nagbigay ng pag-asa sa mga residente, na karamihan ay deboto ng Poong Nazareno, na dumating sa kanilang komunidad noong 1962. Simula noon ay taun-taon nang isinasama ang imahen sa prusisyon ng Kapistahan ng Mahal na Poong Nazareno ng Simbahan ng Quiapo tuwing Enero 9.

Ayon kay Teresita Macaspac, 62, tagapag-alaga ng kapilya, ginising siya ng kanyang mga apo nang sumiklab ang apoy sa Dagupan Extension, Tondo, Manila kaya dali-dali silang lumipat sa isang ligtas na lugar.

“Malaki na ‘yung apoy nang maalala ko ‘yung Nazareno. Tinanong ko sila kung bakit hindi nila nailigtas ‘yung Nazareno,” pahayag ni Macaspac.

Una niyang inakala na kabilang ang Nazareno sa natupok ng malaking apoy subalit laking gulat niya nang puntahan niya ang kapilya at matuklasan na buo pa rin ang imahen.

“Maluha-luha ako sa tuwa kasi akala ko nasunog na Siya,” naiiyak na kuwento ni Macaspac.

Dahil dito, lalong lumakas ang pananampalataya ng mahigit 300 deboto sa Barrio San Jose, Barangay 155 sa Raxabago, Tondo nang madiskubreng buo pa rin ang imahen ng Poong Nazareno. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)