Simula ngayong taon, limang milyong pamilyang Pilipino na kabilang sa pinakamahihirap ang bibigyan ng dalawang karaniwang gamot sa kanilang mga tahanan ng Department of Health (DoH).

Ayon kay Health Secretary Janette L. Garin, ang mga pamilya na tinukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kabilang sa lowest “2 quintiles” ng populasyon ay bibigyan ng tig-isang kahon ng paracetamol at mefenamic acid.

“Bibigyan namin sila ng isang kahon ng paracetamol at isang kahon ng mefenamic acid (medications),” ani Garin sa isang panayam.

Ang paracetamol ay ginagamit bilang panlunas sa lagnat o para mabawasan ang kirot. Ang mefenamic acid ay ginagamit para maibsan ang mild to moderate pain, kabilang na ang menstrual pain.

Pelikula

Pelikula nina Zanjoe, Daniel made-delay?

Sinabing DoH Chief na ang mga gamot ay ibibigay sa bawat pamilya isang beses kada taon sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS) na isinasagawa ng DSWD.

“Iyong commonly used medications, ibibigay na sa bawat bahay ng mahihirap na pamilya para kung mangangailangan sila ay makukuha na rin nila doon,” paliwanag ni Garin.

Sinabi ng DoH official na ang hakbang na ito ay kabilang sa mga programa na bibigyang pansin nila ngayong taon upang matiyak ang Kalusugang Pangkalahatan (KP) o ang universal healthcare program ng administrasyon Aquino. (PNA)