Dalawang araw matapos ang tradisyunal na selebrasyon, umabot na sa 36 ang biktima ng ligaw na bala sa pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Inihayag ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na karamihan sa biktima ay nasa hustong gulang at residente ng Metro Manila at kalapit lugar.
:Our monitoring started on December 16 and will be until January 6. We hope that there will be no more additional incidents and victims,” pahayag ni Mayor.
Sa umaga pa lamang ng Enero 1 ay umabot na sa 16 ang tinamaan ng ligaw na bala na naiulat sa pulisya.
Iginiit naman ng opisyal na wala pa silang natatanggap na ulat hinggil sa nasawi sa stray bullet, dahil ang nailathalang kaso ng isang siyam na taong gulang na babae sa Bulacan ay nabatid na bunsod ng pamamaril ng kapatid nitong lalaki.
Bingyang-diin din ni Mayor na hindi pa pinal ang bilang ng mga biktima ng ligaw na bala dahil beberipikahin pa ito ng mga imbestigador kung tunay na kaso ng ligaw na bala, accidental firing o sadyang pamamaril.
Sinabi rin ni Mayor na pito na ang naaresto sa ilegal na pagpapaputok ng baril nitong Bagong Taon, na kinabibilangan ng isang pulis, isang security guard at limang sibilyan.
Umabot na rin sa P1,124,649 halaga ng ilegal na paputok ang nakumpiska ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
(Aaron Recuenco)